Panira sa integridad ng eleksiyon ang pagkuwestiyon sa malinaw na resulta ng halalan
- BULGAR
- Nov 15, 2020
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | November 15, 2020
Bago pa magsimula ang bilangan sa eleksiyon ng susunod na pangulo ng Estados Unidos, nagpahayag ang kasalukuyang Pangulo nitong si Donald Trump na dinadaya at dadayain siya kapag siya ay natalo.
Kaugnay nito, sa ating omeliya noong nakaraang linggo, nagbiro tayo na, “Pinoy pala si Donald Trump? Sabi kasi nito, kapag natalo siya, dinaya siya!”
Mahigit isang lingo ang lumipas, malinaw na nanalo si Joe Biden, na halos P5 milyong boto ang lamang nito kay Donald Trump. Ang katumbas nito sa “electoral votes” ay ang 290 votes para kay Biden at 217 na natamo ni Trump—malinaw ang lamang ni Biden at malinaw ang pagkatalo ni Trump. Subalit ayaw tanggapin ni Trump ang resulta ng halalan at iginigiit nitong dinaya siya.
Ayon sa mga eksperto, matagal nang nasanay ang kasalukuyang administrasyon na gumawa ng mga pahayag na hindi base sa ebidensiya o katotohanan. Masama ang ganitong uri ng pananaw dahil kung hindi magustuhan ang anumang pangyayari, maaaring gumawa nang dahilan upang baliktarin ang katotohanan ng pangyayari at igiit ang gustong palabasin kahit malinaw na hindi ito totoo. At dahil ganun na lang ang kapangyarihang taglay ng Pangulo ng Estados Unidos kaya nitong sabihin at ipilit ang kanyang gusto.
Subalit, tapos na ang halalan at sa tradisyon at espiritu ng demokrasyang Amerikano, ang sinumang matalo ay kailangang tanggapin nang mapayapa at buong kababaang-loob ang kalooban ng nakararami. Ayon sa mga eksperto, bihira ang ginawa ni Trump na hindi lang hindi tinatanggap ang resulta ng halalan kundi naghain pa ng iba’t ibang kaso upang palabasin na dinaya siya.
At hindi kagulat-gulat na pumayag ang Attorney General ng Estados Unidos na si William Barr na imbestigahan ang anumang anomalyang naganap sa eleksiyon. Kilala rin natin ang katumbas ng Attorney General ng Estados Unidos sa ating bansa. Ito ang ating Solicitor General o Solgen Jose Calida. Malinaw ang kaugnayan ng dalawang abogado sa kani-kanilan pangulo. Napakaraming nang ginawang desisyon ang ating Solgen upang ipagtanggol ang pangulo o ilaglag at gipitin ang mga kaaway nito. Dahil dito, nagbitiw sa kanyang tungkulin si Richard Pilger, Election Crimes Branch Director ng Justice Department.
Ayon kay Pilger, sa matagal na panahon hindi nagkaroon ng anumang imbestigasyon na itinuring na legal at walang pagkakataong hamunin (certified and uncontested) hinggil sa dayaan sa eleksiyon bago pa naganap ito. Dahil sa ginagawa ni Trump at ipinagagawa nito sa Attorney General, nabahiran ang Non-Interference Policy na halos 40 taon nang umiiral.
Paulit-ulit pang maririnig si Trump na sinasabing gagamitin niya ang batas para ituwid ang anumang anomalyang naganap sa nakaraang eleksiyon. Malayo pa ang eleksiyon, sinimulan nang gumawa ng kuwento na nanakawin ang eleksiyon ng mga Democrats at kasabay nito isasagawa ang malawakang pandaraya. Dagdag pa nito, Abril pa lamang umabot na ng 150 ulit na nagsalita si Trump tungkol sa mga pekeng balota at sa depekto ng “mail-in voting” sa halip nang pisikal at aktuwal na pagboto.
Ayon sa dating kandidato bilang Democrat Presidential Candidate na si Bernie Sanders (2016 at 2020), napakasama ng ginagawa ni Donald Trump para sa bansa. Sa patuloy nitong pagkakalat ng mga pahayag na hindi batay sa katotohanan at ang hindi nito pagtanggap sa resulta ng eleksiyon, pinahihina ni Trump ang demokrasya sa Amerika. Nag-iisa si Trump sa kanyang walang batayang pagtuligsa sa halalang Amerikano bilang puno ng pandaraya at sa hindi nito pagtanggap sa kanyang pagkatalo. Bibihira, halos walang natalong kandidato sa pagka-Pangulo sa America ang tulad ni Trump.
Malinaw na mahirap ang matalo, ngunit kung malinaw namang natalo, buong kahinahunan at kababaang-loob itong tanggapin. Ang patuloy na pagkontra at pagtuligsa sa resulta ng halalan bilang malinaw na pandaraya ay hindi lang sumisira sa integridad ng eleksiyon kundi sa mismong institusyon at espiritu ng demokrasya.





Comments