Panibagong kapalpakan sa NAIA, 'di na dapat palagpasin
- BULGAR
- May 3, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 3, 2023
Kung nakamamatay lang ang mura, posibleng ubos na lahat ng personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa sobrang galit ng mga taong naantala ang biyahe dahil sa kawalan ng sapat na namang supply ng kuryente.
Hindi lang mga pasahero ang dismayado dahil halos lahat ng kababayan nating inabot ng balitang ito ay lumung-lumo dahil tila paatras ang serbisyo ng Department of Transportation (DOTr) at NAIA.
Puwede sanang palampasin kung minsan lang nangyari ang ganito, kaso halos ganitong-ganito rin ang nangyari noong Enero 1 at ngayong Mayo 1 ay naulit na naman—hindi ko malaman kung ano bang meron sa a-uno ng kalendaryo kung bakit inaabot ng indulto ang DOTr sa panahong ito.
‘Yan din ang epekto kapag walang nanagot sa isang iskandalo tulad ng nangyari noong Enero 1 sa NAIA na pinaikot-ikot lang tayo sa paliwanag ng mga nagpabaya sa naturang insidente at wala man lamang naparusahan kahit isa sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Lumipas at lumipas ang naturang pangyayari na humupa dahil dinahan-dahan ang publiko sa sunud-sunod na press release na noong una ay binabanggit kung bakit nahinto ang operasyon ng NAIA hanggang sa pagsawaan na ang balita.
Sa madaling salita, nakaligtas ang lahat ng mga dapat nasibak o nasuspinde man lamang kaya ang resuta, naulit na naman ang pangyayari na tiyak na pahuhupain na naman ‘yan sa paulit-ulit na press release para pagtakpan ang kanilang kapabayaan.
Grabe ang perhuwisyong idinulot ng pangyayaring ito, humigit-kumulang sa 50 biyahe ang naantala at ang iba ay tuluyang kinansela upang hindi sila kuyugin ng napakaraming pasahero na galit na galit sa pangyayari.
Karamihan ay galing sa long weekend vacation at kaya nasa airport ay upang makahabol sa biyahe dahil may pasok na kinabukasan, ngunit ang mga higit na naapektuhan ay ang mga pasaherong dadalo ng hearing, ikakasal o dadalo ng kasal, may schedule sa doktor at iba pang may mahalagang aayusin.
Tiyak na nakabalandra na naman tayo sa iba’t ibang pahayagan sa buong mundo dahil sa dami ng turista na naantala rin sa pangyayaring ito dahil alam naman nating kuwentado at limitado lamang ang oras at araw ng mga ito para puntahan ang mga makasaysayang destinasyon.
Parang hindi na kasi natututo ang DOTr at NAIA sa mga nagdaang pangyayari at ngayon ay kabi-kabila ang kanilang mga ginagawa para pagtakpan naman ang hindi mababayarang perhuwisyong inabot ng mga pasahero.
Nasaan na ‘yung backup system na ipinangako ng DOTr at Manila International Airport Authority (MIAA) na ia-upgrade nila para pagdumating ang mga ganitong pangyayari ay hindi naaantala ang biyahe ng marami nating kababayan?
Kahit sinasabi nilang hindi naman umano sabotahe ang pangyayaring ito, hindi maiaalis na mag-isip ang ilan nating kababayan dahil palaging holiday at dagsa ang tao nangyayari ang mga ganitong kaguluhan.
Matindi ang naganap na power outage dahil paralisado ang maraming dibisyon ng NAIA Terminal 3, sisinghap-singhap ang sitwasyon sa immigration at napakabagal ng daloy dahil bumigay umano ang main circuit dahilan para tumgil din ang conveyor at aircon.
Hindi biro ang halos walong oras na walang kasiguraduhan kung kailan babalik ang kuryente habang sa gitna ng mga paghihintay ay may kinakansela ang flight—mula ala-1:05 ng madaling-araw hanggang alas-8:46 ng umaga.
Ngayon, heto na naman ang DOTr dahil tinitingnan na umano ang buong audit ng electrical system sa Terminal 3 ng NAIA kasunod ng nangyaring power outage noong nakaraang Mayo 1 na nakaapekto sa mahigit 9,000 pasahero.
Bida pa ang dating ni DOTr Secretary Jaime Bautista dahil pinaplano pa umano nilang isama ang NAIA Terminals 1 at 2 sa audit na layong matukoy ang pagiging worthiness ng buong sistema, dapat din umanong matukoy kung ano ang kailangang palitan at sa huli ay tiyakin na ang electric system ay hindi na mauulit sa hinaharap.
Wow, superhero ang datingan—ito raw kasi ang lumabas sa kanilang nagpag-usapan ng kanilang technical people na kailangang isagawa agad na parang napanood na rin natin ang mga ganitong takbuhan ng mga press release para magsilbing anesthesia sa publiko.
Ang highlight pa ng isasagawang audit ay kinakailangan pa ng malaking pondo at isasailalim naman umano sa normal na procurement process—tulad ng ginawa nilang procurement sa plastic ng driver’s license, kaya ngayon ay walang magamit na lisensya at paubos na naman ang mga plaka ng sasakyan na hanggang sa susunod na buwan na lamang.
Ayon kay Bautista, ang full electric system audit para sa Terminal 3 ay nangangailangan ng 60 hanggang 90 araw at ito ay inaasahang tatagal kung ang dalawa pang abalang NAIA terminal ay isasama.
Ibig sabihin, kung paniniwalaan natin ang pahayag na ito ng DOTr ay wala na tayong dapat gawin kundi ang maghintay dahil umaksyon na sila at tulad ng dati ay kusa na lamang maglalaho ang pangyayaring ito at maaalala na lamang natin kapag nagkagulo naman sa ating mga paliparan.
Sa ngayon, ang Philippine airspace ay nakatakdang i-shutdown sa loob ng anim na oras sa darating na Mayo 17 upang bigyang-daan ang pagpapalit ng equipment na umabala sa daan-daang flights noong Enero1 ayon sa MIAA.
Ang airspace closure ay magsisimula ng hating gabi hanggang alas-6:00 ng umaga ng Mayo 17 upang palitan na umano ang uninterruptable power supply (UPS), ngayon lang nila bibigyan ng solusyon—kasi magandang pantapal ito sa nangyaring gulo noong Mayo 1.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments