Pangmatagalang solusyon para mapatupad ang physical distancing, plis lang!
ni Ryan Sison - @Boses | August 30, 2022
Isang linggo matapos buksan ang klase para sa School Year 2022-2023, iniulat ng Department of Education (DepEd) na naging payapa ito.
Sa kabila ng banta ng COVID-19, naitaguyod ang in-person classes sa ilang paaralan sa bansa. Idagdag pa na walang naiulat na estudyante o guro na nagpositibo sa sakit.
Pero bago ang lahat, kumusta ba ang sitwasyon sa mga paaralan?
Bagama’t masasabing payapa ang pagbubukas ng klase, naging hamon para sa maraming paaralan ang pagpapatupad ng physical distancing, bagay na mahalaga upang maiwasan ang hawahan sa panig ng mga mag-aaral.
Giit ng ilang guro, sa dami ng mag-aaral at dagdag pa ang mga magulang na nais makapasok sa klasrum, kaya ang ending, siksikan at nakalimutan na ang minimum health protocols.
Dahil dito, humiling ang ilang guro ng regular na disinfection at paglilinis sa mga classroom.
Samantala, binigyang-linaw ng ilang paaralan na bagama’t may oras na inilaan para sa disinfection bago ang pagpasok ng ikalawang shift ng mga estudyante, hindi umano ito nasusunod dahil hindi sumusunod ang ilang magulang sa oras ng pagsundo sa mga estudyante.
Bukod pa rito, nananatili ang kakulangan ng mga klasrum at guro.
Tiniyak naman ng DepEd na pinaplantsa na ang mga hakbang upang mapunan ang mga kakulangan, bukod sa paghingi ng dagdag na budget sa Kongreso.
Maglalabas din ng memorandum ang kagawaran para linawin ang health protocols sa mga paaralan, alinsunod sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Magandang bagay na habang maaga ay nalaman na ang mga bagay na dapat tutukan sa mga susunod na araw, kaya naman, pakiusap sa mga kinauukulan, silipin ang tunay na sitwasyon sa mga paaralan at hangad nating matugunan ito sa lalong madaling panahon.
Bago pa man ang planong pagpapatupad ng in-person classes, batid nating maraming hamon na haharapin ang mga paaralan at guro, at kabilang na r’yan ang pagpapatupad ng minimum health protocols.
Baka nga hindi sapat ang ginagawa nating pagpapaalala na sumunod sa mga health protocols, kaya dapat nang magkaroon ng pangmatagalang solusyon upang maipatupad ang physical distancing dahil hindi dapat isantabi ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments