top of page

Pangarap na Olympics ng Gilas, nilusaw ng South Sudan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 31, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2023



ree

Paalam Paris Olympics 2024. Naglaho ang pangarap ng Gilas Pilipinas na mapabilang sa pinakamalaking palaro sa buong mundo at lumasap ng 87-68 talo sa Timog Sudan sa Classification Round ng 2023 FIBA World Cup Huwebes ng gabi sa Araneta Coliseum.


Pinagbayaran ng mga Pinoy ang kanilang malamyang simula kung saan tumalon sa maagang 12-2 bentahe ang mga bisita. Mula doon ay hindi nakatikim ng lamang o kahit tabla ang Gilas sa gitna ng matinding shooting at pisikal na depensa ng Timog Sudan na naglalaro sa kanilang pinakaunang World Cup.



ree

Sinubukan pa rin pumalag ng Gilas at ipinasok nina Jordan Clarkson, AJ Edu at Kai Sotto ang unang anim na puntos ng fourth quarter at naging apat na lang ang agwat, 56-60.


May nakahandang sagot ang Timong Sudan at sabay gumana ang laro nina Carlik Jones, Wenyen Gabriel at Nuni Omot at lumobo muli ang agwat bago ang last two minutes, 78-63.


Pinatunayan ni Jones bakit siya ang MVP ng NBA G League at kinulang ng isang rebound para sa triple double sa kanyang 17 puntos, siyam na rebound at 14 assist. Sinuportahan siya nina Omot at Majok Deng na parehong may tig-13 puntos.


Si Jordan Clarkson muli ang nanguna sa Pilipinas na may 24 puntos. Nasayang ang 20 puntos at 12 rebound ni Dwight Ramos habang ipinasok ni Edu ang 10 ng kanyang kabuuang 12 puntos sa first quarter na may kasamang 14 rebound.


Kasabay ng laro ay nagwagi ang co-host Japan sa Venezuela, 86-77, sa Okinawa Arena at literal na isara ang pinto ng Olympics sa Gilas. Ito na ang ikalawang panalo ng mga Hapon na humugot ng 23 puntos kay Makoto Hiejima.


Hindi rin nakatulong sa mga wala pang panalong Pinoy ang tagumpay ng isa pang Asyano Lebanon sa Cote D’Ivoire, 94-84, sa Jakarta. Tanging ang numero unong Asyano lang ang tutuloy sa Pransiya at imposible na ito kahit magwagi ang Gilas sa Tsina sa huli nilang laro sa Sabado.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page