Pangarap na makapagturo sa public school, matutupad pagtapos pumasa sa LET
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 4, 2023
Dear Maestro,
Ako ay isang guro, pero hindi pa ako pasado sa board exam at kasalukuyan akong nagtuturo sa pribadong eskuwelahan dito sa Cavite. Balak kong kumuha ulit ng board exam ngayong 2023 dahil ito ang tanging daan upang ako ay makapasok sa public school na may mas malaking suweldo kaysa sa kasaukuyan kong sinasahod, gayundin, mas maraming benepisyo.
Gusto kong malaman kung ano ang suwerteng buwan para kumuha ako ng board exam ngayong 2023? Gayundin, gusto kong malaman kung ano-ano ang mga masuwerte kong numero? Sa katunayan, paminsan-minsan ay tumataya rin ako sa lotto. November 29, 1995 ang birthday ko.
Umaasa,
Mara ng Luksuhin, Alfonso, Cavite
Dear Mara,
Ayon sa birthday mong November 29, 1995, ang pinakamapalad mong buwan para kumuha ng exam sa taong ito ng 2023 ay sa buwan ng Marso hanggang Abril, dahil ang Sagittarius na zodiac sign mo ay under ng fire element. Ang Marso at Abril ay panahon din ng “fire o init’, kaya kung sa ganitong buwan ka kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET), dagdag pa rito, suwerte ka rin sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre ngayong 2023, higit lalo sa mga piling petsang 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, at 31.
Sa pagkuha ng board exam, upang matiyak na makakapasa ka, magsuot ka ng kulay na dilaw o berde, higit lalo kung ang pagsusulit ay natapat sa mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25.
Habang, puwede ka ring gumamit ng kulay na pula kung ang pagsusulit ay natapat sa petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18, at 27. Kung sawa ka na sa pula, puwede namang ipamalit ang kulay na lilac o asul.
Ang nasabing mga petsa ay siya ring mapalad mong numero, kung saan ang mga numerong ito ay ang lahat ng numero na may sumatotal na 7, 1, at 4, gayundin ang numerong 8. Maaari mo ring subukan ang mga numerong 1, 17, 23, 28, 34, at 40, gayundin ang numerong 6, 17, 22, 31, 40 at 41.
Samantala, sa anumang pakikipagsapalaran, higit lalo sa number games, mas maganda kung maghahanap ka ng lotto outlet na may napakahabang pila. Sa nasabing lotto outlet kung saan mahaba ang pila, ru’n ka tatama ng dambuhala at napakalaking halaga.
Ayon sa iyong Career Calendar, kung kukuha ka ng LET sa taong ito o sa susunod na taong 2024, tulad ng nasabi na, basta sundin mo ang mga simpleng rekomendasyon na iminungkahi na sa itaas, tiyak na sa nasabing panahon at sa edad mong 28 pataas, makakapasa ka at magiging ganap at lisensyadong guro. Pagkalipas ng ilang buwan o taon, matutupad mo na rin ang isa mo pang pangarap na makapagturo sa public school at makatanggap ng mas malaking suweldo at mas maraming benepisyo.




Comments