Pangarap na magkaroon ng bahay at negosyo, matutupad ‘pag nag-asawa
- BULGAR
- Feb 19, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 19, 2023
Dear Maestro,
Ako ay Taong Uno (1) na isinilang noong November 10, 1994.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ba ang dapat kong gawin upang magtagumpay ako sa buhay, lalo na sa aspetong pang-materyal at maligayang pagpapamilya?
Sa edad kong 28, binata pa rin ako. Gayunman, may girlfriend na ako, pero wala pa akong balak mag-asawa hangga’t hindi ko pa natutupad ang aking pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa, gayundin ang matatag na negosyo. Matutupad ba ang pangarap kong ito?
Umaasa,
Dexter ng San Jose, Antipolo City, Rizal
Dear Dexter,
Hindi naman masamang mangarap, pero masama namang hindi ka mag-asawa dahil lang wala ka pang sariling bahay at lupa ngayon. Gayundin, hindi porke wala ka pang metatag na negosyo ay iiwasan mo na ang pag-asawa.
Minsan kasi, kapag nag-asawa ang isang binata o dalaga, ru’n pa lang nagkakaroon ng direksyon ang kanyang buhay. Kadalasan pa nga, ang isang lalaking bulagsak noong binata siya, nang makapag-asawa at magkaanak ay saka pa lang natutong magsikap, magtipid at magsinop ng kabuhayan.
Isipin pa na kung pagsisikap sa buhay ang pag-uusapan, naoobligang magsikap ang mga Pinoy sa panahong may asawa at pamilya na sila. Marahil ay ayaw nilang maranasan ng kanilang mga anak ang kahirapang dinanas nila noong sila’y bata pa. Dahil dito, lalong nagsisikap ang mga taong nakapag-asawa at nagkaroon ng mga anak—naghahangad kasi silang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Ngayon, para sa birth date mong 1, sa destiny number na 8 (11+10+1994=2015/ 20+15=35/ 3+5=8) at sa zodiac sign na Scorpio, dapat ka nang mag-asawa nang sa gayun, sa tulong ng babae na iyong mapapangasawa, lalo na kung tulad mo siya na isang young professional, sabay at magkatuwang n’yong bubuuin ang inyong pangarap na sariling bahay at lupa, gayundin ang isang matatag na negosyo.
Sapagkat kung gagawin mo ‘yan ngayong binata ka, imposibleng mangyari dahil ang mga Taong Uno na tulad mo ay likas na bulagsak at gastador. Natututo lamang silang magtipid at magsinop ng kabuhayan kung sila ay susunod sa kanilang asawa.
Sa pag-aasawa, upang mas madaling umunlad, isaalang-alang ang mga babaeng isinilang sa mga zodiac sign na Taurus, Capricorn, Pisces, Cancer at kapwa mo Scorpio na may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 5, 14, 23, 4, 13 22 at 31. Kung ang nasabing babae ang iyong mapapangasawa, tulad ng nabanggit, sa tulong niya ay matutupad ang iyong pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa, at ang matatag o stable na negosyo.
Ang mga ito ay nakatakdang mangyari, ayon sa iyong Career Calendar at Business Calendar, sa taong 2035 at sa edad mong 41 pataas. Gaya ng nabanggit, magkakaroon ng kayo ng bahay at lupa, gayundin, maliit ngunit kumikitang negosyo na may kaugnayan sa tinadahan. Sa nasabing negosyo, magsisimula na ring umunlad hanggang sa tuluyang yumaman ang inyong pamilya.




Comments