by Info @Editorial | September 6, 2024
Sa wakas, ngayong Setyembre ay matutupad na ang matagal nang hinahangad na dagdag-sahod para sa mga guro — isang hakbang na magbibigay ng kaginhawaan at pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan nila sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr. ang Executive Order 64 noong Agosto 2.
Sa isinagawang budget hearing, sinabi ng pamunuan ng Department of Education na puwede umanong gamitin ng mga ahensya ng pamahalaan ang kanilang savings para maibigay na ang taas-sahod at ito ay papalitan na lamang.
Ang pagbibigay naman ng salary differential at retroactive pay mula Enero hanggang Agosto ay isang malaking tulong din para sa mga guro.
Sa kabila ng mabigat na responsibilidad sa paghubog ng kaalaman ng mga kabataan, matagal nang ipinaglalaban ng sektor ng edukasyon ang nararapat na pagkilala sa kanilang sakripisyo.
Bagaman may mga rehiyong nakatanggap na ng partial payments, umaasa tayong ang iba pang lugar ay mabilis na makahabol upang agad na maipagkaloob ang nararapat sa mga guro.
Mahalaga rin na tingnan ang iba pang mga benepisyo at karagdagang suporta para sa mga guro, tulad ng mas abot-kayang healthcare, dagdag na incentives, at pagkilala sa mga natatanging kontribusyon.
Sana’y magsilbing simula ito ng mas malalim at mas pangmatagalang pagbabago sa sistema ng edukasyon, kung saan ang mga guro ay tunay na maipagmamalaki bilang mga bayani ng bayan.
Comments