Mga tsuper sa SCP, huwag pahirapan
- BULGAR

- 16 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 24, 2026

Ang Service Contracting Program o SCP ng gobyerno ay inilunsad upang tulungan ang mga tsuper at tiyakin ang tuluy-tuloy na biyahe ng mga pasahero.
Maganda ang layunin, ngunit sa aktuwal na kalagayan, malinaw na may problema sa sistema ng bayad.
Hanggang ngayon, maraming tsuper sa SCP ang hindi pa raw nakakatanggap ng kanilang bayad. Ito ang pangunahing problema na dapat agarang tugunan dahil ang programa ay ginawa mismo para tulungan sila, hindi para dagdagan ang kanilang paghihirap.
Sa gitna ng patuloy na taas ng presyo ng petrolyo at araw-araw na gastusin, umaasa ang mga tsuper na ang SCP ay magiging dagdag-kita o kahit pansamantalang ginhawa.
Ngunit kung ang bayad ay delayed o hindi pa rin dumarating, nawawala ang saysay ng programa. Sa halip na suporta, nagiging pasanin pa ito.
Ang hindi maayos na daloy ng pondo at mabagal na proseso ng pagbabayad ay nagdudulot ng pagdududa at panghihina ng loob sa hanay ng mga tsuper.
Mahalaga na malinaw sa kanila kung kailan matatanggap ang bayad at ano ang dahilan ng anumang pagkaantala.
Ang tunay na sukatan ng SCP ay hindi ang dami ng sumasali, kundi kung natatanggap ba ng mga tsuper ang bayad na para sa kanila.



Comments