top of page
Search
  • BULGAR

Pangarap na bahay at lupa, next year matutupad

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Abril 15, 2024


Dear Maestro,


May nunal ako sa kanang bahagi ng aking mukha, sa bandang pisngi sa gawing itaas, ang sabi n’yo ay susuwertehin ang mga taong may ganitong nunal, subalit hanggang ngayon ay mahirap pa rin kami at puro kamalasan na lang ang nangyayari sa aming buhay. Kailan ba ako susuwertehin? 


Simple lang naman ang pangarap ko at ito ay walang iba kundi mapagtapos ko sa pag-aaral ang anim kong mga anak at magkaroon ng sariling bahay at lupa.  Matutupad ba ito at paano kami susuwertehin? April 18, 1977 ang birthday ko. 

  

Umaasa,

Rodney ng San Isidro, Cabanatuan City, Nueva Ecija

 

Dear Rodney, 


Alam ko kung bakit sa kabila ng may nunal ka sa kanang bahagi ng pisngi ay hindi ka pa rin sinusuwerte, gayung ayon sa Molesophy (sining at siyensya na nag-aaral at nag-i-interpret ng iba’t ibang nunal at pekas sa balat ng tao para malaman ang kanilang natatagong ugali at kapalaran) ay suwerte ang anumang nunal na matatagpuan sa kanang bahagi ng mukha. 


Sure akong bukod sa nunal sa kanang bahagi ng pisngi, marami ka pang nunal sa mukha, partikular sa kaliwang bahagi ng pisngi. Ito ang dahilan kaya ang nunal mo sa kanang bahagi ng mukha ay tila nababalewala dahil hindi ‘yan “independent mole”. Sa mas klarong paliwanag, kinokontra ng iba pang nunal sa kaliwang bahagi ng mukha ang suwerte sa kanang bahagi ng iyong mukha.


Kaya ‘yung ibang tao na napakaraming nunal sa mukha, bihira at nahihirapan talaga silang suwertehin dahil nagkalat ang “lucky at unlucky charm” na nagrerepresenta ng mga nunal sa iba’t ibang bahagi ng mukha.   


Ngayon, kung tama ang ating sapantaha na may nunal ka nga sa kanang pisngi na simbolo ng suwerte, pero hindi naman makalutang ang magandang kapalaran dahil marami ka ring nunal sa kaliwang pisngi, mas mabuting pagtuunan ng pag-aanalisa ang birth date mo para matuklasan natin sa pamamagitan ng Astro-Numerology ang iba pang paraan o teknik kung paano ka susuwertehin at kung paano matutupad ang pangarap mo sa buhay.


Samakatuwid, ikaw ay under sa zodiac sign na Aries, sa birth date na 9 at sa destiny number na 1. Naging 1 ang destiny number mo dahil ang April 18, 1977 ay may ganitong kompyutasyon: 4+18+1977=1999/ 19+99=118/ 11+8=19/1+9=10/ 1+0=1. 


At alam mo ba kung saan ka susuwertehin? Sa pamomolitika at paglilingkod sa bayan.


Kaya ngayon pa lang, maghanap ka na ng mga gawain na maaaring makatulong ka sa inyong barangay o sumali ka sa mga gawaing may kaugnayan sa public service.


Puwede ring ang maging daan mo ay sa relihiyon patungo sa pulitika. Basta ang mahalaga, makahanap ka ng daan upang makapaglingkod nang libre at bukal sa loob.


Sa ganyang paraan, kapag nasa poder ka na o nagkaroon ka ng posisyon sa inyong barangay o bayan bilang public servant, magsisimula ka nang suwertehin. Sa ganyang paraan, unti-unti mo nang matutupad ang mga pangarap mo, sa tulong ng mga taong magiging koneksyon mo sa pamahalaan at iba pang pribado at mayayamang indibidwal.  


Dahil ikaw ay isang Aries, may double strong number ka, at ito ay ang 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) at destiny number na 1, dahil nga marami kang nunal sa mukha, ngayon pa lang, lumabas ka na ng bahay dahil kailangan mong gamitin ang nasabing mga datos upang maipakita sa iyong kababayan ang kahalagahan ng iyong talento at nalalaman.


Kapag nakilala ka nila bilang isang mahusay na public servant, tulad ng inaasahan, magsisimula na ang iyong malaking suwerte hanggang sa tuluyan ka nang lumigaya, at matupad ang iyong pangarap na makapagtapos ang iyong mga anak sa pag-aaral, dahil na rin sa paglilingkod sa bayan, kusa kang magkakaroon ng sariling bahay at lupa. 


Ang pangyayaring tinuran, susuwertehin ka sa paglilingkod sa iyong mga kababayan — ay inaasahang magsisimulang maganap sa taong 2025 sa edad mong 48 pataas. 


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page