top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pangalawang pag-aasawa, nakatakda sa misis na ipinagpalit sa iba

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 5, 2021
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 05, 2021






KATANUGAN

  1. May asawa na ako noon, kaya lang, naghiwalay kami at sumama siya sa ibang babae na hiwalay din sa asawa. Maraming beses kong sinubukang makipagbalikan sa kanya, pero talagang ayaw na niya sa akin kaya pinabayaan ko na siya sa bago niyang babae. Sa ngayon, ako ang bumubuhay sa dalawa naming anak at minsan, ‘pag may pera ay nagbibigay naman siya.

  2. Nahihirapan na ako sa kalagayan ko, kaya gusto ko na ring mag-asawa ulit. Kasi kapag inaaway ako ng mga kapatid ko at pinagagalitan ako ng nanay ko, feeling ko ay wala akong kakampi, hindi tulad kapag may asawa ka, may magtatanggol sa iyo o may mapagsasabihan ka ng sama ng loob.

  3. Gusto kong malaman, Maestro, kung makapag-aasawa pa ba ako sa edad kong 32? Gayundin, may ikalawang Marriage Line ba sa aking palad na may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya?

KASAGUTAN

  1. Kapag lalaki ang iniwan ng misis, parang okey lang dahil ang katwiran ng ilan, makapambabae at makapag-asawa na lang muli. Para bang andaling gawin nu’n para sa mga lalaki, pero kapag babae ang iniwan, parang pinagtakluban na sila ng langit at lupa, lalo na kung may mga anak na sila na sa babae rin maiiwan.

  2. Pero sa totoo lang, halos pareho rin ang magiging kalagayan ng babae at lalaki sa sandaling pagpasyahan nilang wasakin ang kanilang pamilya. Ang kaibahan lang, masyadong emosyunal ang mga babae kung magdala ng kanilang problema dahil feeling nila ay tumatanda na sila, at hindi tulad ng mga lalaki, puwedeng magpa-easy-easy kapag nahiwalay sa asawa, at kung nagkataong marami namang pera ang isang lalaki, mas madali siyang makakahanap ng pamalit sa kanyang misis kahit medyo may edad na siya.

  3. Samantala, sa kaso mo, Ms. Broken Wings, kapansin-pansin ang pagsulpot ng ikalawang mas malinaw at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi magtatagal, sa ikalawang pagkakataon, legal man o hindi, muli kang magkakapag-asawa o magkakaroon ng lalaking makakasama sa katauhan ng lalaking halos ka-edad mo rin. Ngunit ang ikinaganda nito, ang nasabing lalaki ay binata, ‘yun nga lang, siya ay may hindi permanenteng trabaho, kaya “pure companion” lang ang mahihita mo sa kanya. Subalit okey na rin ‘yun, kaysa naman wala kang asawa at habambuhay na mag-isa, lalo na kapag nagkaroon na ng kani-kanyang pamilya ang iyong mga anak.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Sa totoo lang, para sa mga babaeng nahiwalay sa asawa, kung mag-aasawa ka sa ikalawang pagkakataon, dapat ang piliin mong ikalawang asawa ay mas magaling sa una upang imbes na sakit ng ulo ay magandang pamilya ang mapala mo sa kanya. Huwag kang papayag na propesyunal ang dati mong asawa, tapos papalitan mo ng isang istambay at nanghihingi lang ng makakain sa kanyang mga magulang. Kung ganu’n ang gagawin mo, mas mainam pa siguro na ‘wag ka na lang mag-asawa ulit dahil para ka lang kumuha ng bato na ipupukpok mo sa iyong ulo.

  2. Sa kabilang banda, kung hindi naman pang-materyal na bagay ang batayan, halimbawang ang asawa mo noon ay walang bisyo, tapos nag-asawa ka muli ng isang sugarol at lasenggo, tulad ng nasabi na, para kang kumuha ng bato na ikaw din ang magpupukpok sa iyong ulo.

  3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. Broken Wings, makapag-aasawa kang muli sa 2023, ang problema lang, ang mapapangasawa mo ay walang regular na trabaho, kaya pure companion lang ang magiging silbi niya sa iyo. Pero sa katotohanan, ikaw pa rin ang kakayod nang husto at magtataguyod sa iyong mga anak at sa mga magiging anak n’yo. Gayunman, tulad ng nasabi na, pagtiyagaan mo ito at masasabing okey pa rin kaysa habambuhay kang nag-iisa, walang kakuwentuhan at sa iyong pagtanda ay mananatiling walang kasama.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page