Pangakong tulong sa mga magsasaka, ‘wag sanang mapako!
ni Ryan Sison @Boses | Enero 11, 2023
Matapos irekomenda ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ang Pilipinas ng may 22,000 metric tons ng sibuyas, pumalag ang mga magsasaka at nagtatanim ng sibuyas.
Bagama’t nais ng DA na punan ang kailangang suplay sa bansa at mapababa ang presyo nito sa merkado, iginiit ng mga magsasaka na mas dapat magkaroon ang pamahalaan ng cold storage facilities, gayung maraming sibuyas ang aanihin sa bansa sa unang bahagi ng 2023 dahil sa mangyayaring “bumper harvest”.
Samantala, ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), magsisimula na ngayong Enero ang pag-ani ng sibuyas sa maraming lugar sa bansa, kaya dapat magkaroon ng cold storage upang maging imbakan ng mga ito.
Sa ngayon, mayroon lamang umanong 27 storage plants sa Metro Manila at dapat pa itong madagdagan para sa mga aanihing sibuyas. Bagama’t may mga storage rin sa ilang probinsya, hindi anila ito kakayanin dahil sa inaasahang bumper harvest.
Matatandaang noong Disyembre, umabot sa P750 ang bawat kilo ng sibuyas sa maraming palengke sa Metro Manila, kaya todo-diskarte ang mga mamimili kung paano makabibili nito nang hindi gaanong maapektuhan ang kanilang budget.
Ngayong panahon ng anihan, asahan ang sapat na suplay ng sibuyas sa bansa at sana’y magsimula na ang pagbaba ng presyo nito.
Sa kabilang banda, nakadidismaya na sandamakmak na sibuyas ang planong iangkat ng gobyerno kahit pa kaunting panahon na lang ay madaragdagan ang suplay.
Tanong ng marami, kung may sapat na suplay sa bansa, bakit kailangang mag-angkat?
Kapag natuloy ang plano ng gobyerno, malamang ay matengga at masira lang ang mga suplay ng sibuyas sa bansa, lalo pa’t walang sapat na cold storage.
Sana’y pakinggan at tugunan ang hiling ng mga magsasaka.
Isa pa, ‘yung pangako ng gobyerno na tutulungan ang kanilang hanay, hindi sana mapako.
Tiyaking pinapangalagaan ang suplay na meron tayo para iwas-tapon na, hindi pa mapupunta sa wala ang pinaghirapan ng mga magsasaka.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments