Pang-uunggoy lang yata ni P-BBM kay SP Zubiri na Cha-cha stop na
- BULGAR
- Feb 3, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 3, 2024
FRONTRUNNER KASI SI VP SARA SA 2028 ELECTION KAYA NGAYON PA LANG SANGKATERBANG ATAKE NA ANG GINAGAWA SA KANYA -- Ang paniwala ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang pagdadawit sa kanya sa Davao Death Squad (DDS) ay bagong script para siraan siya hindi lang sa Pilipinas, kundi pati sa buong mundo.
Hay naku, porke si VP Sara ang frontrunner sa 2028 presidential election sangkaterbang atake na ang ipinupukol sa kanya ngayon gayong napakatagal pa naman ng halalan, tsk!
◘◘◘
NOON SABI NI EX-P-DUTERTE, MAGKAISA AT SUPORTAHAN ANG MARCOS ADMIN, PERO DAHIL SA CHA-CHA SIYA NA ANG NAMUMUNO SA PAG-ATAKE KAY P-BBM --
Matapos magwaging presidente si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ay nanawagan si ex-P-Duterte sa lahat ng mamamayang Pinoy na magkaisa at suportahan ang Marcos administration.
Pero dahil sa Charter change (Cha-cha) na isinusulong ng mga kaalyadong kongresista ng Marcos administration ay napundi at nabuwisit si ex-P-Duterte kaya pinuputakti na niya nang batikos ngayon si P-BBM, na indikasyong ayaw na niyang makiisa pa sa Marcos admin, period.
◘◘◘
INUNGGOY LANG YATA NI P-BBM SI SP ZUBIRI SA SINABING STOP NA ANG CHA-CHA KASI SA TEMA NG SALITA NG PRESIDENTE TULOY ITO -- Nitong January 30, 2024 ay sinabi ni P-BBM na patuloy daw siyang nakikipag-usap sa mga kongresista at sa kanyang mga abogado patungkol sa Cha-cha dahil ang naisin daw talaga niya noon pa man ay mabago ang mga economic provisions na nakasaad sa 1987 Constitution.
Kung ganu’n, mistula palang inunggoy ng Presidente si Senate President Migz Zubiri nang sabihin niya rito na “stop” na ang Cha-cha, kasi sa tema ng salita ni P-BBM, tuloy ang hangarin niyang mabago ang Saligang Batas, boom!
◘◘◘
NAKUPO, BUWAN-BUWAN YATA TATAAS ANG PRESYO NG COOKING GAS -- Sa pagpasok ng buwan ng January 2024 ay tumaas ng P3.45 ang presyo ng kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) o cooking gas, at sa pagpasok ng buwan ng February 2024 ay muling nagtaas ng P0.95 ang kada kilo ng LPG.
Nakupo, tila yata buwan-buwan magtataas ang presyo ng cooking gas sa ‘Pinas, saklap!





Comments