Kahulugan ng nakarating sa langit at napaligiran ng mga anghel
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 26, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Celia ng Davao.
Dear Maestra,
Tagahanga ako ng kolum n’yo, kaya naisip kong magpaanalisa na rin ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na nakarating ako sa langit, tapos maraming anghel at napapaligiran ako ng mga ito.
Kinausap ako ng isang anghel at nagbigay siya sa akin ng magagandang advice, tapos maya-maya ay naging anghel na rin ako.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Celia
Sa iyo, Celia,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakarating ka sa langit ay magiging masaya ang buhay mo sa darating na mga araw, kung saan ito ay payapa at panatag.
Samantala, ang ibig sabihin ng napapaligiran ka ng maraming anghel ay magkakaroon ka ng mga mabuting kaibigan na maaasahan mo sa lahat ng bagay.
Ang kinausap ka ng anghel at nagbigay ng advice ay nagpapahiwatig na dapat mong sundin agad ang sinabi niya sa iyo at huwag mo nang ipagpaliban pa. Ang naging anghel ka tulad nila ay nangangahulugan na may hindi inaasahang magandang pangyayari na magaganap sa buhay mo sa darating na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments