Panawagan ng Comelec: 'Wag nang mag-'Marites' pagkatapos bumoto
- BULGAR
- May 5, 2022
- 1 min read
ni Zel Fernandez | May 5, 2022

Nanawagan si Comelec Commissioner George Garcia sa mga botante na pagkatapos bumoto sa Mayo 9 ay dumiretso na sa kani-kanyang tahanan at huwag nang mamalagi pa sa paligid ng presintong pinagbotohan.
Sa isang panayam kay Garcia sa Zoom version ng “Pandesal Forum” ng Kamuning Bakery Café, nanawagan ito sa publiko na huwag na umanong mag-‘Marites’ o makipagtsismisan pa pagkaraang makaboto upang makaiwas sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Garcia, huwag sanang kalimutan ng mga botante na ang matagal na pakikisalamuha sa maraming tao ngayong darating na eleksiyon ay kinakailangan pa ring maiwasan, lalo pa at nasa kalagitnaan pa rin ng pandemya ang buong bansa.
Dagdag pa ng commissioner, bagaman mayroon umanong isolated precincts na inilaan para sa mga botanteng may COVID-19, makabubuti pa ring mag-ingat ang publiko dahil hindi nakatitiyak ang bawat isa kung sino ang mga hindi tukoy na COVID-19 positive o ang mga asymptomatic patients na makakasalamuha sa pagboto.
Samantala, muling hinikayat ni Garcia ang lahat ng mga rehistradong botante na huwag ipagbili ang kanilang boto, gumising nang maaga sa Mayo 9 at huwag sayangin ang karapatan at kapangyarihang makapaghalal ng mga bagong lider ng bansa ngayong 2022 national at local elections.
Comentários