top of page
Search

Pananakot ng China sa mga Pinoy na mangingisda at sundalo, kinondena

BULGAR

ni Mylene Alfonso @News | Mar. 10, 2025



CCG at Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia - ABP - PCG

File Photo: CCG at Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia - PCG / ABP Partylist


Sumiklab ang matinding batikos matapos kondenahin ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, Chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement, ang pahayag ng Tsina na bahagi umano ng kanilang teritoryo ang Palawan. 


Binigyang-diin niyang ito ay hindi lamang walang batayan kundi isa ring pang-iinsulto sa kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kanilang sariling kasaysayan at kultura.  


Dagdag pa niya, ang patuloy na pagpapalawak ng Tsina ay isang banta sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. 


Si Goitia, na siya ring Presidente ng Ang Bumbero ng Pilipinas Partylist ay binatikos din ang historikal na rebisyonismo ng Tsina, na aniya’y nililihis ang katotohanan upang bigyang-katwiran ang agresyon nito sa teritoryo ng Pilipinas. 


Mariin ding kinondena ang mga aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS), partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng militar. 


Maging ang mga internasyonal na eksperto ay nagbigay ng opinyon sa usapin, iginiit na ang pag-aangkin ng Tsina sa South China Sea—kabilang ang mga bahagi na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas—ay paulit-ulit nang itinakwil ng mga pandaigdigang hukuman. 


Samantala si Goitia rin ang kinatawan ng People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at Liga Independencia Pilipinas (LIPI).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page