Panalo ang San Joseño... TRO ng PrimeWater vs. LGU, ibinasura
- BULGAR

- 12 hours ago
- 2 min read
ni Chit Luna @News | June 3, 2026

Photo: Circulated / FB
San Jose del Monte, Bulacan (Hunyo 3, 2026) – Ibinasura ng Regional Trial Court ng Bulacan at Regional Trial Court ng Las Piñas ang magkakasunod na petisyon ng PrimeWater Infrastructure Corp. na humihiling ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injunction laban sa Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte at sa pansamantalang pangangasiwa nito sa lokal na operasyon ng tubig katuwang ang San Jose del Monte Water District.
Sa unang TRO petition na inihain ng PrimeWater sa RTC Bulacan, napagdesisyunan ng korte noong Mayo 26, 2026 na bigo ang PrimeWater patunayan ang elemento ng agarang pagpapatigil sa LGU, sa pamamagitan ng TRO, sa kanilang mga gagawing effort ukol sa matinding problema sa suplay ng tubig. Aminado rin ang branch manager ng Primewater na inuulan sila ng libu-libong reklamo mula sa consumers dahil sa kakulangan ng tubig kaya may karapatan ang LGU na mag-intervene sa palala nang palalang krisis.
“To the mind of the court, the public injury to the people of the City (of San Jose del Monte) caused by the continuous problem of water availability being protected by the City is more supreme than the contractual obligations provided by the JVA,” ayon sa desisyon ng korte na nagsasabing mas mahalaga ang kapakanan ng mga tao kaysa sa Joint Venture Agreement o kontrata ng Primewater sa local water district.
Sa testimonya ng Primewater sa korte, inilahad nila na mayroong humigit-kumulang 130,000 kliyente, ngunit 10,000 hanggang 12,000 lamang umano ang apektado ng kakulangan ng tubig. Gayunman, sa pag-aaral ng Pamahalaang Lungsod na mahigit 47,611 kabahayan o 250,000 na residente na aabot ng 25% ng kabuuang populasyon ng lungsod, sa 62 barangay ang nakakaranas ng problema sa mahinang distribusyon ng tubig.
Dagdag pang sinabi ng RTC Bulacan na may batayan ang interbensyon ng Pamahalaang Lungsod, dahil ito ay sinusuportahan ng City Ordinance No. 2026-03-012 at niratipikahan ng Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 293-2026. Pinahihintulutan ng ordinansa ang City Mayor, sa panahon ng state of emergency sa water services, na pansamantalang pamahalaan ang lokal na operasyon ng tubig. Binanggit din ng korte na ang ordinansa at kaugnay na provincial resolution ay may presumption of regularity maliban na lamang kung ito ay mapawalang-bisa ng korte.Matapos ibasura ng RTC Bulacan ang TRO petition, naghain ang PrimeWater ng kaparehong relief sa RTC Las Piñas City. Ngunit muli itong ibinasura ng korte noong Hunyo 2, 2026.
“The plaintiff (PrimeWater) in this case was not able to prove all requisites for the issuance of a TRO. It failed to show any grave irreparable injury unto its company, specifically its duty to provide reliable water service in the City of San Jose Del Monte, Bulacan,” ayon sa desisyon ng RTC Las Piñas.
“Ikinagagalak namin ang desisyon ng korte dahil binibigyan tayo nito ng pagkakataong ipagpatuloy ang ating trabaho: pagbutihin ang serbisyo ng tubig, itama ang matagal nang mga problema sa sistema, at tugunan ang pangangailangan ng mga San Joseño. Pinagtitibay nito ang kaugnay na kapangyarihan ng lokal na pamahalaan na protektahan ang kapakanan ng taumbayan. Matagal nang naghintay ang ating mga kababayan, at hindi natin hahayaang maantala ng mga legal na taktika ang agarang aksyon,” ani Mayor Florida “Ate Rida” Robes.





Comments