Pambatong kandidato, damay ‘pag pasaway ang supporter
ni Ryan Sison - @Boses | March 30, 2022
Huli sa video ang rambulan sa isang campaign rally sa Tondo, Manila, kamakailan.
Sa viral video, makikitang nagsasaya pa ang mga dumalo sa campaign rally, ngunit ilang sandali lamang ay nagkagulo na. Nagliparan ang mga plastic bottles hanggang may naghagis na ng monobloc chairs, gayundin, maririnig sa video na may humihingi ng tulong sa mga pulis dahil lumalala na ang gulo dahil may mga nagsusuntukan na sa gitna ng maraming tao.
Depensa ni re-electionist Manila 1st District Representative Manny Lopez, minor incident lamang ang nangyari at mabilis na nakontrol ng mga pulis ang sitwasyon. Gayundin, nakaalis na aniya ang mga personalidad sa pagtitipon bago mangyari ang gulo.
Giit pa ni Lopez, madalas sumiklab ang ganitong gulo sa pagitan ng mga grupo ng kabataan sa Kamaynilaan.
Sa kabila ng ating mga paalala at babala, nakakadismaya na may ganito pa ring pangyayari.
Imbes na mairaos nang payapa ang campaign rally ay nauwi pa sa rambulan. Ang masaklap pa, nadadamay ang mga taong nais lamang dumalo at magpakita ng suporta.
Sana’y maging paalala at aral ito sa lahat — kandidato, supporters at campaign organizers — na maging handa tayo sa anumang puwedeng mangyari upang hindi na ito maulit.
Sa mga nais dumalo ng campaign activities ng inyong napupusuang kandidato para lokal o nasyonal na posisyon, hinay-hinay lang tayo.
Sumasalamin sa kandidato ang ipinapakita o inaasal ng mga tagasuporta, kaya utang na loob, iwasan nating gumawa ng ikakasira ng ating pambato.
Tandaan na nar’yan kayo para sumuporta at ‘di para magdala ng problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments