- BULGAR
Pamamahagi ng P5K allowance sa mga titser, bilisan!
ni Ryan Sison - @Boses | August 23, 2022
Nais ng Department of Education (DepEd) na mabigayan ng P5,000 cash allowance ang mga public school teachers sa bansa.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, ang naturang cash allowance ay ipagkakaloob sa public school teachers bilang karagdagang tulong sa pagbubukas ng School Year 2022-2023.
Dagdag pa ng tagapagsalita, ibababa ang naturang allowance sa mga school division at nagsimulang i-release sa mga guro sa unang araw ng pasukan kahapon, Agosto 22.
Kasabay nito ang pagtiyak na lahat ng guro sa pampublikong paaralan ay makakatanggap ng naturang allowance.
Malaking tulong umano ang P5,000 allowance sa mga guro para sa mga ginagawa nilang paghahanda para sa pasukan.
Samantala, binigyang-linaw din ng tagapagsalita na ang naturang karagdagang pondo ay hiwalay sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan na ginagamit sa pagbili ng ibang mga gamit gaya ng chalk atbp.
Batid nating madalas ay galing sa sariling bulsa ng mga guro ang kanilang ginagastos para maitaguyod ang pagtuturo at minsan ay maging ang pagsasaayos ng klasrum, sila na ang gumagastos. At ngayong nagsimula na ang pasukan, may mga guro pa ring nangangailangan ng internet connection para makapagturo sa pamamagitan ng online classes.
Kaya sa totoo lang, malaking bagay ang P5,000 allowance dahil sa pamamagitan nito, maiiwasan ang paglalabas ng sariling pera ng mga guro upang matugunan ang pangangailangan sa klasrum o pagtuturo.
Pakiusap lang natin sa mga kinauukulan, sana’y magtuloy-tuloy pa ang pag-alalay sa ating mga guro at higit sa lahat, bilisan ang pamamahagi ng naturang allowance upang agad na mapakinabangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com