Palami nagbitiw na sa Nat'l men's team Azkals
- BULGAR
- Jan 11, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 11, 2024

Photo: PFF/ IG
Enero pa lang ay nagulat agad ang mundo ng Philippine Football matapos ihayag ni Dan Stephen Palami ang kanyang pagbitiw sa matagal nang tungkulin bilang Manager ng National Men’s Team. Ito ang pagwawakas ng samahan na nagsimula noong 2009 at naging daan para muling mabuhay ang laro sa bansa.
Kasama niya ang bagong Presidente ng Philippine Football Federation (PFF) John Anthony Gutierrez na naghatid ng malaking pasasalamat sa serbisyo ni Palami. Sa kanyang gabay, nagsimula ang pag-usbong ng Football sa tinaguriang “Miracle In Hanoi” noong 2010 AFF Suzuki Cup kung saan tinalo ng Azkals ang host Vietnam upang makapasok sa semifinals.
Kasunod nito ang unti-unting pagtaas ng Pilipinas sa FIFA World Ranking hanggang makapasok sa 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates. Si Palami rin ang dahilan upang nakapaglaro sa Pilipinas ang mga tuklas gaya nina Neil Etheridge at Stephan Schrock.
Patuloy ang paglahok ng Azkals sa pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup sa Hilagang Amerika at 2027 AFC Asian Cup sa Saudi Arabia. Malaki ang kanilang bubunuin sa mga nalalabing laro kontra Vietnam at Indonesia at dalawa sa Iraq.
Walang tiyak na pangalan ang ipinakilala subalit may tatlo umanong kandidato para palitan si Palami. Sa panig ng kababaihan, sisikapin ng Pilipinas na mapanatili sa kanila ang AFF Women’s Championship ngayong taon. Maglalaro rin sa unang pagkakataon ang Filipinas sa kanilang unang AFC Women’s Under-17 Asian Cup sa Indonesia sa Abril at ang unang tatlo ay tutuloy sa FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic sa Nobyembre.
May plano pa naman ang PFF ngayong 2024. Pangunahin dito ang pagpapalakas ng grassroots at humubog ng bagong henerasyon ng manlalaro na maaaring maging Azkals o Filipinas.








Comments