Palad ng single mom na mabo-broken hearted ulit bago makilala si Mr. Right
- BULGAR
- Aug 16, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 16, 2021

KATANUNGAN
Hiwalay ako sa una kong partner matapos kaming magkaroon ng isang anak, pero hindi kami kasal. Sa ngayon, may kinakasama na siyang iba habang ako naman ay may tinanggap na manliligaw na isinilang noong May 16, 1986 na hiwalay din sa live-in partner.
Ang lalaki na bang ito ang makakasama ko habambuhay? Sa totoo lang, niyayaya na niya akong mag-live-in, pero nagdadalawang-isip pa ako dahil napansin kong tatlo ang Marriage Line sa aking palad. Ibig sabihin ba nito, ang ikatlong lalaki at hindi ang ikalawa ang makakasama ko habambuhay?
Kaya kung sasagutin ko siya, dahil siya pa lang naman ang pangalawang magiging seryosong karelasyon ko, ibig sabihin ba nito ay may darating pang iba, at ang ikatlong lalaking ‘yun ang makakatuluyan ko? Tama ba ako at kung hindi, paki-paliwanag naman kung sino talaga ang lalaking itinakda sa akin ng kapalaran.
KASAGUTAN
Tama ang pag-aanalisa mo na ang ikatlong lalaking darating ang iyong makakatuluyan at makakasama habambuhay kung pagbabatayan ang dalawang medyo maikli at magulong Marriage Line (Drawing A,. at B. 1-M, 2-M arrow a. at b.), kung ikukumpara sa ikatlo na mas mahaba at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 3-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, pagkatapos ng dalawang seryoso at sabihin na nating quality relationship, may darating pang ikatlo. Ang nasabing ikatlong lalaking ito ang iyong makakatuluyan, kung saan dahil Gemini ang zodiac sign mo, humigit-kumulang kung hindi isang Libra, siguradong Aquarius ang ikatlong lalaking darating na makakasama mo habambuhay.
Subalit dahil iginuhit pa rin ang ikalawang lalaki na nabanggit sa kaliwa at kanan mong palad bilang ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.), hindi mo maiiwasan ang pakikipagrelasyon sa kanya, pero mas mabuting hindi mo dapat ibigay nang husto ang iyong loob at tiwala sa kanya. Kumbaga, hinay-hinay lang sa pag-ibig dahil sa bandang huli, tulad ng nauna mong partner, malamang na mahihiwalay ka muli sa ikalawang lalaking ito, upang sa susunod na pagliko ng landas at tadhana na ang nagpasya at nagmaniobra, darating ang ikatlong lalaking makakasama mo habambuhay, na nagtataglay ng simpatiko, hindi gaanong matangkad, pero medyo kayumanggi ang kulay ng balat.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang kailangang matapos ang naka-schedule na tadhana o kapalaran ng isang tao upang masundan ito ng panibagong nakatakda na namang yugto o pagpapatuloy na bahagi ng kanyang buhay at karanasan.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. Gemini, matapos mong makarelasyon ng humigit-kumulang isang taon si Mr. Taurus, mapupugto rin ang ningas ng inyong pagmamahalan upang maganap ang nakatakda. Pagdating ng taong 2022, sa buwan ng Setyembre, isang lalaking nagtataglay naman ng zodiac sign na Aquarius ang darating bilang ikatlong karelasyon, na siya nang iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad na makakasama mo sa pagbuo ng isang mas masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments