Palad ng bebot na titigil sa work ‘pag nag-asawa
- BULGAR
- Aug 3, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 03, 2021

KATANUNGAN
Ang una kong tanong ay tungkol sa career. Ano ang ibig sabihin kapag huminto ang makapal na Fate Line sa aking palad nang ito ay mabangga ng Heart Line? Sa kasalukuyan, ako ay nagtatrabaho sa BPO.
Ikalawa, may boyfriend ako, pero wala pa akong balak mag-asawa dahil nagpapaaral pa ako ng mga kapatid na mas bata sa akin. Kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan o may darating pang ibang lalaki sa aking buhay? Dalawa kasi ang Marriage Line sa aking mga palad at sabi ninyo, ang ibig sabihin nito ay dalawang pag-aasawa o dalawa ang makakarelasyon. Tama ba ito?
KASAGUTAN
Kapag ang maganda at makapal na Fate Line na tinatawag din nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ay biglang huminto matapos mabangga sa Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanang palad at pagkatapos, ito ay hindi na nagpatuloy, dalawa ang ibig sabihin nito. Una, ito ay tanda na maaaring dahil sa maling relasyon o hangal na pag-ibig, biglang mawawalan ng career ang nasabing indibidwal o mahihinto ka sa trabaho. Gayunman, maaari ring ibig sabihin nito, kapag nag-asawa ka na, patitigilin ka ng mister mo sa pagtatrabaho, kaya imbes na career woman ka, kapag nag-asawa ka na, ang magiging career mo ay ang pagiging housewife.
Ang pangalawang ibig sabihin, dahil nang nabangga ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a. at h-h arrow b.) sa Heart Line (arrow b.) ay malapit na sa kanyang destinasyon (Mount of Saturn arrow c.), ito ay tanda na kapag nag-asawa na ang nasabing indibidwal, ang kanyang career ay iiwan niya. Subalit ang mga naipon at pinaghirapan sa mga nakaraang taon ng pagtatrabaho ay maiuukol niya sa kanyang mga anak at pag-aaruga ng pamilya. Ibig sabihin, ang kabuhayan na naipon niya sa trabaho, negosyo o anumang pinagkakakitaan noong siya ay dalaga, gagastusin na niya ang mga ito sa pagpapasarap kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Hinggil naman sa dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow d. at e.), dahil ito ay magkalapit lamang, maaaring ito pa rin ang kasalukuyan mong boyfriend. Ang maliit na espasyo sa pagitan ng dalawang Marriage Line (arrow f.) ay maaaring isang babala na maghihiwalay kayo ng boyfriend mo o matagal na magkakahiwalay— maaring mag-abroad siya o ikaw. At dahil sa paglalayong nabanggit, parang break na kayo, ngunit pagkalipas ng ilang taon, muli kayong magkakasama, mabubuo ang inyong dating masaya at lalo pang sasayang relasyon, habang ang nasabing pagsasama ay magiging panghabambuhay na.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Camile, tiyak ang magaganap sa taong 2022 hanggang 2023. Ang kasalukuyan mong boyfriend ang nakatakda mong mapangasawa at sa sandaling may asawa ka na, maaaring obligado kang pahintuin ng iyong mister sa pagtatrabaho upang maiukol mo naman ang inyong panahon sa pag-aaruga ng mga anak, upang sa susunod pang mga taon ay tuluyan na kayong makabuo ng masaya, matagumpay at panghabambuhay na pamilya.




Comments