Palad ng bebot na forever magiging kabit
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 22, 2021

KATANUNGAN
Ano ang ibig sabihin ng ganitong Marriage Line? Isa lang ang nakikita kong Marriage Line sa aking palad, pero baluktot at magulo ito.
Sa ngayon, ako ay may kinakasama, pero may legal family siya. Pero may sarili kaming apartment, kaya lang, minsan lang siya pumupunta rito. Mahirap din ang kalagayan ko dahil palaging may takot at kaba na baka isang araw, bigla na lang dumating sa apartment namin ang tunay na misis ng kinakasama ko at pagkatapos ay awayin ako.
Ang gusto kong malaman ay kung may tsansa ba na dumating ang panahong maging legal wife rin ako ng lalaking kinakasama ko kahit siya ay may asawa na? Kung hindi naman, may chance bang makapag-asawa ako ng isang binata at magkaroon ng matino, sarili at masayang pamilya?
KASAGUTAN
Pansining bukod sa pagiging magulo, may bilog at hindi normal ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, nagkaroon din ng napakalaking bilog sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Malinaw itong tanda na ikaw ay masusuong sa isang relasyon na hindi normal. At dahil hindi normal ang nasabing relasyon, posibleng ito ay ang kasalukuyan mo nang nararanasan kung saan nakikisosyo ka lang sa asawa o pag-aari ng iba.
Ang pag-aanalisang malabo ka nang makaalis sa kasalukuyan mong kinasadlakang kapalaran bilang isang kabit o kerida ay madali namang kinumpirma ng magulo mo ring lagda. Bukod sa may malaking bilog, nagpaikut-ikot pa ito kung saan-saan, na nakalikha ng malalaking hugis hoyo at lalo pang nagpagulo sa iyong lagda. Tanda na sa umpisa pa lang, magulo na ang background ng iyong pamilya, na posibleng dahil may magulo kang pinanggalingang angkan o pamilya, maaaring ito rin ang nagtulak sa iyo upang pumatol sa may asawa na.
Bagama’t hindi mo ginusto, ang malaking problema ngayon ay kung paano ka makakawala sa magulong pakikipagrelasyong pinasok mo, gayung bukod sa hindi nga maganda ang Marriage Line (1-M arrow a.), pinagkalooban ka rin ng isang pangit at magulong Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Isang malinaw na indikasyon, malinaw pa sa mineral water, na posible ngang habambuhay ka nang maging kabit. Kaya wala kang dapat gawin ngayon, kung halimbawang sustentado ka naman ng lalaking kinakasama mo, mas maganda kung mag-ipon ka nang mag-ipon ng maraming pera.
Sa ganyang paraan, ‘pag ngayon pa lang ay pinaghahandaan mo na ang future mo at mga magiging anak mo, kahit kabit ka, mamumuhay ang inyong pamilya nang marangya at maligaya.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. X, minsan ay nais naman talaga nating gawin ang tama at matuwid, ngunit mas madalas, ang takdang kapalaran pa rin ang natutupad at nananaig. Kaya dapat ay mag-ipon ka nang mag-ipon at magpayaman, dahil ang nakatakda sa palad mo ay habambuhay ka na ngang magiging kabit.




Comments