Palabas sa mga Public Transport, dapat “G” at “PG” rating lang
- BULGAR
- Apr 6, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | April 6, 2023
Dahil inaasahang maraming pasahero ang magbibiyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa, pinaalalahanan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga driver at operator na tanging mga palabas sa telebisyon at pelikulang may rating na “G” o general patronage at “PG” o parental guidance ang dapat ipalabas sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sa isang advisory, sinabi ng ahensya na ang limitasyon ay ipinag-uutos batay sa MTRCB Memorandum Circular No. 09-2011, kung saan nakasaad ang mga patakaran na namamahala sa pampublikong eksibisyon ng mga pelikula sa mga karaniwang carrier at iba pang pampublikong lugar.
Ayon sa MTRCB, ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng tatlong buwan hanggang isang taon at maaaring pagmultahin ng P2,000 hanggang P5,000. Habang ang kanilang prangkisa ay posible ring bawiin.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 09-2011, “lahat ng mga karaniwang carrier at iba pang pampublikong lugar na bukas at pampublikong nagpapakita ng mga motion picture ay dapat ituring bilang mga sinehan o movie theaters para sa mga layunin ng regulasyon ng Board”.
Binigyang-diin naman ng MTRCB na dahil sa klase ng kanilang serbisyo at accessibility sa publiko anuman ang edad, ang mga karaniwang carrier at iba pang pampublikong lugar ay maaari lamang magpalabas sa publiko ng mga pelikulang klinasipika ng Board bilang General Patronage (G) o Parental Guidance (PG).
Paliwanag ng ahensya, ang mga materyal o palabas na may mga rating na G ay mga angkop para sa mga bata, habang ang mga may PG-rated contents ay posibleng naglalaman ng ilang materyal na pang-adult na maaaring pinapayagan na panoorin ng mga bata, ngunit sa ilalim lamang ng gabay at pangangasiwa ng isang magulang o nasa hustong gulang.
Kasabay ng paggunita ng taumbayan sa Semana Santa, marami talaga ang bibiyahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Siyempre, punuan ang mga pasahero sa PUVs, pati na sa mga terminal at pampublikong lugar. Kaya mainam ang naging desisyon ng kinauukulan na magpalabas lamang ng mga pelikulang makabubuti para sa lahat, sa halip na malalaswang panoorin para hindi makapag-udyok sa sinuman na gumawa ng masama.
Dapat sigurong maging maingat tayo sa ating paglalakbay kasama ang ating pamilya at nagbabakasyon. Patuloy din nating pagnilayan ang pag-ibig at kabutihan ng Diyos sa ating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments