PAL Manila Int'l Marathon raragasa na sa CCP complex
- BULGAR
- Feb 23, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 23, 2024

Hahamunin ang kakayahan ng lahat ng mga kalahok sa 2024 Philippine Airlines Manila International Marathon ngayong Sabado, Pebrero 24, na magsisimula at magtatapos sa Liwasang Ulallim ng Cultural Center of the Philippines sa Pasay City.
Ang lahat ng mananakbo ay dapat nandoon sa lugar bago ang 12:00 ng hatinggabi at lalarga ang karera pagpatak ng 1:00 ng madaling araw.
Ang main event na 42.195 kilometrong Marathon ay dalawang ikot sa ruta. Iikot muna sa loob ng CCP at papasok ng Roxas Boulevard tampok ang dalawang flyover hanggang bago dumating ng Coastal Road at babalik.
Lilipat ang aksiyon sa Gil Puyat hanggang kanto ng Makati Avenue at babalik sa Roxas at CCP para sa pangalawang ikot. May itinalagang walong himpilan na maaaring kumuha ng inumin at ibang pangangailangan.
Bibigyan ang mga kalahok sa Marathon ng hanggang 8 n.u. upang tapusin ang karera at para mabuksan na ang mga kalsada sa trapiko. Ang iba pang kategorya na 21, 10 at limang kilometro ay hanggang 7:30 ng umaga.
Ipinaliwanag ng pamunuan ng karera na napilitan silang ilipat ang lugar mula Quirino Grandstand matapos lumitaw ang suliranin sa mga opisyal ng Pamahalaan ng Maynila. Ngayon ay hindi na ito daraan sa kabisera at sa halip ay sa mga lungsod ng Pasay, Paranaque at Makati.
Naimbitahan si Paranaque City Mayor Eric L. Olivarez upang igawad ang mga tropeo sa mga kampeon. Maliban doon, ipapadala sila sa Taiwan Marathon sa Nobyembre.
Umaasa si Race Director Dino Jose na ito ang magiging hudyat ng pagbalik ng kinang ng karera na unang itinatag noong 1982. Isang matinding pulutong na banyagang kalahok ang susubok ng kakayahan ng mga Pinoy at nais ng pamunuan na mas marami ang maaakit na magpapalista sa 2025.








Comments