Pakiusap ni P-Digong na ipagpaliban muna ang “15-21 deal” para sa 2021 budget...
- BULGAR

- Oct 2, 2020
- 2 min read
Tinabla lang ni Rep. Velasco?!
ni Ka Ambo - @Bistado | October 2, 2020
Lingid sa kaalaman ng marami, mismong si P-Digong ang nakiusap kay Rep. Lord Alan Velasco na ipagpaliban hanggang Disyembre ang “15-21 deal” upang hindi magambala ang deliberasyon ng 2021 budget.
Layunin nitong mabusisi at maisabatas agad ang budget upang maresolba ang krisis dulot ng COVID-19.
Pero, tinabla ito ng kongresista ng Marinduque!
◘◘◘
Nagmatigas si Velasco sa harap ni P-Digong sa pagsasabing “no extension” ang 15-21 agreement.
Kapag daw hindi ito natuloy ay wala nang maniniwala sa kanya.
‘Yan ang istorya sa likod ng mga balita!
◘◘◘
Gigil na gigil si Velasco na maupo bilang speaker ng Kamara at hindi niya maunawaan ang pakiusap ni P-Digong.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, halos apat na beses na hiniling ng Pangulo kay Velasco na ipagpaliban hanggang Disyembre ang pagpapalit ng liderato para masigurong maipapasa muna ang pambansang budget!
◘◘◘
Hindi kaya ni Velasco na magsakripisyo at maghintay na lamang ng halos dalawang buwan bago niya matikman ang kanyang pangarap na maging speaker?
Hindi makatutulong sa bansa ang girian ng mga opisyal ng Kongreso lalo na ngayong tambak ang trabahong dapat asikasuhin dahil sa krisis na kinahaharap ng bansa!
◘◘◘
Para kay P-Digong, bilang Pangulo wala siyang kinakampihan kina Cayetano at Velasco.
Ayon sa Pangulo mismo, ang kanyang pakiusap kay Velasco ay hindi para sa speaker, ngunit para ito sa bayan.
Hindi naman ito nangangahulugang bibigyan ng dagdag na buwan ang kasalukuyang speaker at malalamangan ang susunod!
◘◘◘
Malinaw ang ang mensahe ng Pangulo: Isantabi muna ang pulitika at bigyan ng prayoridad ang pagpapasa ng budget.
Ngayon mas kailangang magkaisa ang buong Kongreso kasama ang ibang ahensiya ang gobyerno para mas mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo!
◘◘◘
Nabanggit ni Cayetano sa kanyang talumpati sa Kongreso na ang minungkahi raw ni Velasco na ipasa na lang ng Kamara ang panukalang budget na pinasa ng Ehekutibo nang walang pagbabago para mapabilis ang proseso.
Hindi ba parang trabahong tamad ‘yun? Sa panahon ng pandemya, mas dapat na busisiin din ang panukalang budget para sa 2021.
Kailangan matiyak na tumpak, maayos at epektibo ang budget at ligtas ito sa korupsiyon!
◘◘◘
Sa panahon ng krisis, hindi maaaring walang latoy at mabagal ang galaw ng Speaker ng Kamara kailangan ding malaki ang tiwala ng bawat miyembro sa kanyang liderato.
Kailangan ding igalang ng mga lider ang opinyon at rekomendasyon ng Pangulo para sa ikaayos ng lahat!





Comments