Pakikipagkaibigan sa mga taong may strong personality, kailangan para makasampa sa barko
- BULGAR
- Mar 6, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 6, 2023
Dear Maestro,
Sa kasalukuyan ay nag-a-apply ako sa barko bilang seaman. May pag-asa ba akong makasampa sa barko ngayong taon at sa paanong paraan?
Kung hindi sa taong ito, kailan naman ako susuwertehin na makapag-barko? Isinilang ako noong March 16, 1994.
Umaasa,
Jimbo ng Santo Cristo, San Isidro, Nueva Ecija
Dear Jimbo,
Ang ibig sabihin ng numero mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay mahina ang loob.
Kabilang kasi ang numerong 7 sa mga tinatawag na weak number, tulad ng 2, 11, 20, 29, 16, at 25, kaya sa tuwi-tuwina, aasa lang ang kanilang kapalaran sa ibang puwersa o lakas, na nagkataon pang Pisces ang iyong zodiac sign, na isang mahina, maramdamin o may pagka-emosyunal ding nilalang.
Ang totoo nito, natutulad ang inyong kapalaran sa isang dahon na nahulog sa batis.
Habang tangay-tangay ng alon ang nasabing dahon, kung saan-saan lang siyang batuhan dinadala ng kapalaran hanggang sa tuluyang malanta, madurog at matunaw.
Subalit magbabago lamang ang negatibong kapalaran ng mga taong nagtataglay ng weak number sa sandaling nagkaroon sila ng kaibigan, partner o asawa na may strong personality. Halimbawa, silang nagtataglay ng strong personality na may birth date na strong number tulad ng 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26, at may malaman at makapal na palad sa sandaling ito ay sinalat. Ang nasabing mga nilalang ang tunay na mag-aahon sa ‘dahon na tinatangay-tangay ng alon sa batis’ upang tuluyan na siyang umunlad at magkaroon ng pangarap at layunin sa buhay.
Basta ang tandaan mo, may ibang puwersa o lakas na tutulong sa iyo upang magbago at gumanda ang iyong kapalaran. At gaya ng nasabi na, ang ibang mga puwersa o lakas na makakatulong sa iyo upang mas madali mong matupad ang anumang pangarap mo sa buhay. Halimbawa, ang makapag-abroad ka at iba pang undertaking mo sa iyong career at pati na sa love life ay silang mga taong naiimpluwensyahan ng strong number na nabanggit sa itaas. Kaya sila ang hanapin mong backer o taga-follow-up ng iyong mga papeles dahil sa ganu’ng paraan, mas madali kang makakaalis at makakapangibang-bansa, lalo na kung ang nasabing mga tao ay under sa zodiac sign na Capricorn, Virgo, Leo, Libra, Cancer, Scorpio at kapwa mo Aries.
Bukod sa kulay na berde, mapalad ka rin sa kulay na dilaw, na dapat mong isuot sa tuwing may lalakarin kang mahalagang bagay. Ang berde at dilaw ay puwede mo ring isuot sa panahon ng panliligaw o kapag may date kayo ng girlfriend mo upang higit na maging paborable sa iyong kapalaran ang nasabing araw.
Samantala, ayon sa iyong Career Calendar na kinumpirma ng iyong Travel Calendar, sundin mo lang ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas — palagi kang hihingi ng tulong, makipagkuwentuhan, hihingi ng favor at makikipagkaibigan sa mga taong may strong personality.
Kapag nagawa mo ‘yan, tiyak na hindi matatapos ang taong ito dahil sa buwan ng Hulyo o Oktubre at sa edad mong 29 pataas, matutupad na ang malaon mo ng pangarap, may isang mabunga at mabiyayang pagbabarko na itatala sa iyong karanasan.




Comments