Paigtingin ang proteksyon sa mga OFWs
- BULGAR
- Jan 30, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 30, 2023
Labis na ang pagkabahala ng maraming senador habang nananawagang ihinto na ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait matapos ang napaulat na brutal na pagpatay sa Pinay domestic helper na si Jullebee Ranara.
Ito ang iginiit ni Senator Raffy Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, na magpatupad ang gobyerno ng total deployment ban ng mga OFWs sa Kuwait.
Bukod kay Tulfo, nagpahayag din ng pagkagigil sa usapin sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senators Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Risa Hontiveros at iba pa.
Ang 35-anyos na si Ranara, isang kasambahay sa Kuwait, ay natagpuan na diumano’y sunog ang katawan sa gitna ng disyerto sa Salmi, Al-Jahra Governorate at nai-report na ni-rape at nabuntis ng suspek na 17-anyos na anak ng kanyang employer.
Ayon kay Tulfo, dapat unahin ang pagpapatupad ng deployment ban bago magsagawa ng bilateral talks. Gayunman, aminado ang senador na maaapektuhan ang mga OFWs na pabalik sa Kuwait kung sakaling matuloy ang total deployment ban ng mga OFWs sa nasabing bansa, pero mahalaga ang kaligtasan ng mga Pinoy workers doon. Aniya, hindi rin dapat maging malambot ang gobyerno kaugnay sa usapin lalo na’t kailangan ng Kuwait ang mga OFWs.
Sinabi naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na rerepasuhin nila ang umiiral na “bilateral labor agreement” (BLA) sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para higit na maprotektahan ang mga Pinoy workers.
Paliwanag pa ni DMW Secretary Toots Ople, dapat din nilang ikonsidera ang mga OFWs na kasalukuyang naninirahan sa Kuwait dahil maaaring magdulot ng kahirapan sa mga ito ang naturang ban.
Noong 2018, ang BLA ay nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwaiti governments.
Nauna na ring nagpataw ang Pilipinas ng labor deployment ban sa Kuwait matapos ang hindi makatarungang pagkamatay ng ilang Filipino domestic workers doon, pero kalaunan ay binawi rin ang nasabing ban.
Mabigat ang usapin sa ngayon sa ating mga Pinoy workers. Sila na nagtatrabaho pa sa ibang bansa para sa kanilang pamilya habang tumutulong sa pag-angat ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang mga remittances.
Hindi lahat ng mga OFWs ay nagiging maganda ang resulta ng pamumuhay sa ibang bansa dahil may iba ru’n na matindi ang pinagdaraanan sa kanilang mga employer.
Marahil, panahon na para paigtingin pa ang proteksyon at pangangalaga sa mga OFWs ng mga kinauukulan upang wala nang sumunod pa sa kanila na magbuwis ng buhay at uuwi sa atin bansa na nakakahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments