Pahiwatig ng nagsuklay sa harap ng salamin
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | March 25, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lerma ng Pampanga.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo, nawa’y palagi kayong masaya at ligtas sa anumang uri ng karamdaman.
Napanaginipan ko na naisipan kong suklayin ang buhok ko, humarap ako sa salamin at nagsuklay. Sobrang gulo ng buhok ko, tapos kulay gray na ang kulay nito sa halip na itim.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lerma
Sa iyo, Lerma,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naisipan mong humarap sa salamin upang magsuklay ay pagkalugi sa negosyo. Kung hindi mo iibahin ang iyong diskarte sa pamamalakad nito, ito rin ay babala na iwasan mong sabihin sa ibang tao ang mga balak mo. Isa sa pinagkakatiwalaan mo ay hindi tapat sa iyo, at may binabalak siyang hindi maganda upang pabagsakin ka.
Ang nagsuklay ka sa harap ng salamin ay nagpapahiwatig na may ibang napupusuan ang kasintahan mo. Kapag kayo ay magkasama, ibang babae ang laman ng isipan niya.
Samantala, ang magulong buhok mo ay nangangahulugang masasangkot ka sa gulo dahil sa sobrang kadaldalan mo.
Ang kulay gray na buhok naman ay nagpapahiwatig na daranas ka ng kabiguan. Mawawalan ka na ng pag-asa na para bang wala nang solusyon sa problema. Lakas ng loob ang iyong kailangan, gayundin, matatag na pananalig sa Diyos sa Kataas-taasan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments