Pahiwatig ng matatag at maunlad na kabuhayan at pamilya
- BULGAR
- Apr 24, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | April 24, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Flor ng Calamba, Laguna.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko nasa isang liblib na pook ako, at may mga puno roon. ‘Yung isang puno ay napakaganda, malago at berde ang mga dahon, ngunit sa dako pa roon ay pangit ang mga puno at lanta na ang mga dahon.
Ang kalawakan ang aking pinagmasdan, maganda at maaliwalas ito, pero biglang nagdilim ang panahon na para bang may bagyong darating.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay, Flor
Sa iyo, Flor,
Ang panaginip na nasa isang liblib na pook ka, may mga puno, at ‘yung isa ay napakaganda, malago at berdeng mga dahon ay nangangahulugan na magiging matatag at maunlad ang kabuhayan mo, gayundin ang pamilya mo. Magiging masaya, punumpuno ng pagmamahalan, walang anumang problemang mabigat ang daranasin niyo habambuhay. Pati mga kaibigan mo ay madaragdagan. Makakatagpo ka ng tapat, matulungin at maaasahang kaibigan.
Ang mga puno na lanta na ang dahon at pangit tingnan ay nagpapahiwatig na kung magiging pabaya ka sa iyong buhay, ang tinatamasa mong magandang kapalaran ay unti-unting papangit at masasadlak ka sa mabibigat na problema.
Samantala, ang ibig sabihin ng maganda at maaliwalas na kalawakan ay kaligayahan at kapayapaan ng puso’t isipan. Ang biglang nagdilim ang panahon na para bang may bagyong darating ay nangangahulugang dapat mong ihanda ang iyong loob sa paparating na mga pangyayari na nakakainis at magiging sagabal sa magaganda mong pinaplano sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments