Pahiwatig na susuwertehin at liligaya
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 25, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Noemi ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nanonood ako ng sine. Nakakatakot ang palabas, kaya takot na takot ako. Nanuyo ang lalamunan ko at nakaramdam ako ng matinding pagkauhaw, tapos kinuha ko ang baon kong tubig at ito’y ininom.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Noemi
Sa iyo, Noemi,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nanonood ka ng sine ay kaligayahan sa buhay, kung saan liligaya ka sa darating na mga araw.
Ang takot na takot ka dahil sa palabas ay nangangahulugang may nagbabalak ng hindi maganda laban sa iyo. Isa sa mga kaibigan mo ang nag-iisip na pabagsakin ka.
Samantala, ang pagkaramdam ng matinding uhaw dahil sa takot, pagkuha ng baon mong tubig at pag-inom nito ay nangangahulugang may magandang kapalaran na naghihintay sa iyo.
Susuwertehin ka na at matatapos na ang mga kamalasang dinanas mo noon.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments