Pahiwatig na may parating na magandang balita at babala ng biglang pagkalungkot
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 07, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Esther ng Surigao.
Dear Maestra,
Napanaginipan kong kumakain ako sa isang piging kasama ang mga kaibigan ko. Napakaraming handa na nakahain sa lamesa at napakasarap ng mga ito, tapos lahat kami ay masayang nagkainan. Kaya lang, nang matapos kumain ang lahat, maraming tirang pagkain sa mga plato at nagkalat ang mumo sa sahig at pati ang mga silya ay magulong-magulo at nawala sa ayos ang lahat. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Esther
Sa iyo, Esther,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na ikaw ay masayang kumakain kasama ang mga kaibigan mo at napakaraming handa na pawang masasarap. Ito ay nagpapahiwatig na may matatanggap kang magandang balita na ikalulugod mo at ng iyong pamilya. Subalit pansamantala lamang ‘yun dahil sa susunod na mga araw, bigla namang may kalungkutang darating na ikabibigla ng lahat. Maging matatag ka sa mga suliraning dumarating at huwag ka agad mawawalan ng pag-asa. Sadyang ganyan ang buhay, paikot-ikot lang, kumbaga, ‘pag may lungkot, may ligaya. Walang permanente sa mundo. Minsan nga, mas mabuti pa na malungkot ka ngayon dahil ang kasunod niyan ay siguradong ligaya.
Sa isang dako, kung masaya ka ngayon, ihanda mo ang iyong sarili dahil tiyak na lungkot ang kasunod nito. Ganyan ang buhay ng tao, kaya dapat lang na maging handa sa anumang sitwasyong darating. At higit sa lahat, gawing sentro ng iyong buhay ang Diyos na may lalang. Huwag kang makakalimot na magdasal.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrella de Luna




Comments