Pahiwatig na may mga sagabal sa pagtupad ng pangarap
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | March 19, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lerma ng Tanay, Rizal.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na umiiyak ang bunso kong kapatid sa crib niya. Pinuntahan ko siya upang patahanin, at sakto, may nakita akong lobo sa kuwarto niya at pinalipad ko ito, tapos bigla naman siyang tumawa.
Ano ang ibig-ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lerma
Sa iyo Lerma,
Ang panaginip mo na narinig mong umiiyak ang bunso mong kapatid sa crib niya ay babala na may parating na matinding pagsubok sa iyong buhay. Ang may nakita kang lobo sa kuwarto niya at pinalipad mo ito para tumahan siya ay nangangahulugan na ang inaasahan mong tagumpay ay hindi mo agad makakamtan. May mga sagabal ka pang haharapin bago mo makamit ang pangarap mo sa buhay.
Samantala, ang biglang pagtawa ng iyong kapatid nang makita ang lobo na pinalipad mo ay nagpapahiwatig na marami kang tapat at maaasahang kaibigan na handang dumamay sa iyo sa oras ng kagipitan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments