Pahiwatig na may mayaman at mahirap na admirer, kailangang mamili
- BULGAR
- Mar 26, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | March 26, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Donita ng Capiz.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nasa beach ako, ang linaw ng tubig at parang ang sarap maligo.
May dalawang lalaki na tingin ng tingin sa beauty ko. ‘Yung isa ay kumuha ng timba, pinuno niya ito ng tubig galing sa beach at ibinuhos sa akin. Habang umiiwas ako, sinasabi ko na naligo na ako at huwag na niya akong buhusan ng tubig.
Hindi nakinig ‘yung lalalaki at kumuha pa ng isang timbang tubig at muling ibinuhos sa akin habang nakatingin ‘yung isa ko pang admirer.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Donita
Sa iyo, Donita,
Napakaganda ng ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa isang lalaking humanga sa iyong kagandahan na nagbuhos sa iyo ng tubig mula sa dalampasigan, kung saan malinaw ang tubig.
Ito ay nangangahulugan na may magiging admirer ka na hinahangaan sa lipunan at ubod ng yaman. Mahuhulog nang husto ang loob niya sa iyo at maaaring mauwi sa kasalan ang pagkakakilala n’yo.
Samantala, ang ibig sabihin naman ng may isa ka pang admirer na nakatingin sa inyo habang binubuhusan ka ng tubig ay dalawa silang pagpipilian mo na maging kabiyak ng iyong puso.
Hindi gaanong mayaman ang isa, pangkaraniwan ang buhay niya, pero mabait, responsable at tapat na magmahal.
Pakakasalan ka rin niya kung sakaling siya ang piliin mong makasama habambuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments