top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pahiwatig na matatapos na ang mga problema

  • BULGAR
  • Jun 13, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 13, 2021


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Aubrey ng Davao.


Dear Maestra,


Kumusta na kayo r’yan? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Tagasubaybay ako ng column n’yo dahil nasisiyahan akong basahin ang mga kahulugan ng panaginip na inilalathala n’yo. Gusto ko ring ipaanalisa ang panaginip ko. Napanaginipan ko na nakatanggap ako ng sulat mula sa aking kamag-anak na nasa abroad. Malungkot ang nilalaman ng sulat kaya ako ay umiyak nang umiyak. At sa inis ko, pinunit ko ang nasabing sulat. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Aubrey



Sa iyo, Aubrey,


Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa kahulugan ng panaginip mo.


Ang ibig sabihin ng ikaw ay iyak nang iyak dahil sa malungkot na nilalaman ng sulat na natanggap mo ay may naghihintay na kaligayahang nakalaan sa iyo ang tadhana. Ibig sabihin, matatapos na ang pagtitiis mo at malulutas na mga problema mo. Makatatanggap ka rin ng nakagugulat na grasya.

Sa labis na katuwaan, maghahanda ka at iimbitahin mo ang iyong mga kaibigan, gayundin ang lahat ng taong malapit sa iyo.


Sa parte namang pinunit mo ang sulat na iyong natanggap, ito ay nangangahulugan na sa malaot madali, ang mga bagay na gumugulo sa isip mo ay matatapos na. Magiging payapa na ang iyong kalooban at magkakaroon na ng kalutasan ang lahat ng problema mo sa buhay. Mabilis na pagbabago tungo sa pag-unlad ang ipinahihiwatig ng iyong panaginip.


Maraming salamat at patuloy ka nawang pagpalain ng Diyos Amang Kataas-taasan.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page