Pahiwatig na makakatanggap ng regalo at magandang balita
- BULGAR
- Jun 19, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 19, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Laura ng Orani, Bataan.
Dear Maestra,
Shout sa inyong lahat d’yan sa Bulgar.
Napanaginipan ko na nakatanggap ako ng sulat mula sa bestfriend ko na nasa malayong lugar. Sinagot ko ang letter niya pero puro kasinungalingan lang ang sinabi ko. Hindi ko inamin sa kanya ang tunay kong kalagayan dahil nahihiya akong malaman niya na nabigo ako sa aking mga pangarap.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Laura
Sa iyo, Laura,
Ang ibig sabihin ng nakatanggap ka ng sulat mula sa best friend mo, ay makakatanggap ka ng magandang balita. Ito rin ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng ‘di inaasahang regalo mula sa iyong kaibigan.
Ang sinagot mo ang letter niya ay nangangahulugang makakagawa ka ng isang gawaing kalugod-lugod sa iyong kapwa. May lalapit sa iyo upang humingi ng tulong at tutulungan mo naman agad ito.
Samantala, ang nagsinungaling ka sa kaibigan mo, hindi mo sinabi sa sulat mo ang katotohanan dahil ayaw mong malaman niya na nabigo ka sa mga pangarap mo ay senyales na may makikilala kang kaibigan na tapat at maasahan sa sandali ng kagipitan.
Hindi siya mapagkunwari at pawang katotohanan lamang ang laman ng kanyang isipan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments