Pahiwatig na mahaba ang buhay ng erpat at may parating na mga biyaya
- BULGAR
- Jul 20, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 20, 2021
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay, gayundin sa mga kasamahan ninyo sa BULGAR. Sumangguni ako sa inyo dahil labis akong nag-aalala at nalulungkot tungkol sa panaginip ko. Hindi ako mapalagay dahil napanaginipan ko ang papa ko na nalunod. Namasyal kami sa dagat para sumagap ng sariwang hangin at upang maligo na rin. Nagsuot ng goggles ang papa ko at nagbaon ng oxygen dahil gusto niyang sumisid sa dagat upang mag-enjoy sa ganda ng tanawin doon na talaga namang makapigil-hininga at tanging sa ilalim lang ng dagat makikita.
Hindi gumana ang dala niyang oxygen noong nasa ilalim na siya, na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Iyak ako nang iyak, tapos tumulong ang coast guard na iahon ang bangkay ni papa at ako naman ay tinulungan ding makaahon dahil sumama ang pakiramdam ko habang nagsu-swimming. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Remedios
Sa iyo, Remedios,
Huwag kang malungkot at iwasan mo ang labis na pag-aalala tungkol sa panaginip mo. Ang ibig sabihin ng nakita mong namatay ang papa mo dahil sa pagkalunod ay hahaba pa ang buhay niya. Hindi pa siya mamamatay gaya ng nakita mo sa iyong panaginip. ‘Yun nga lang, dapat siyang mag-ingat dahil may parating na gulo sa buhay niya kung saan madadamay pati kayong pamilya niya.
May mga kaibigan din siya na naghahangad pabagsakin siya. May lihim siyang kaaway na akala niya ay matalik niyang kaibigan, pero sinisiraan pala siya ‘pag nakatalikod. ‘Yun namang iyak ka nang iyak, ang ibig sabihin niyan ay may kaligayahang naghihintay sa iyo sa darating na mga araw, gayundin, may malaking biyaya kang matatanggap. Ang mga paghihirap at pagtitiis mo noong nakaraang araw ay matatapos na. Matutuwa ang mga kaibigan mo, kaya magce-celebrate kayo at magkakaroon ng munting salo-salo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments