Pahiwatig na magtatagumpay ang bagong negosyo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 30, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni George ng Pasig City.
Dear Maestra,
Suki ako ng BULGAR at araw-araw akong bumibili nito. Paborito kong basahin ang kolum n’yo tungkol sa panaginip at tulad ng mga sumasangguni sa inyo, gusto ko ring malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na kinuha ko ang fountain pen ko para gamitin sa pagsulat ng love notes sa nililigawan ko. Pero nang nagsusulat na ako, biglang kumalat ang tinta sa kamay ko.
Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
George
Sa iyo, George,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na kinuha mo ang fountain pen para gamitin sa pagsulat ng love notes sa nililigawan mo ay may negosyo kang bubuksan at ito ay magiging matagumpay. Pero ang sabi mo ay biglang kumalat ang tinta sa kamay mo habang nagsusulat ka, ito ay nangangahulugan na makakatanggap ka ng hindi kanais-nais na balita tungkol sa negosyo mo. Maaaring negatibo ang dating sa iyo ng balitang ito, kaya ihanda mo ang iyong sarili sa anumang balita na magpapagulo lamang sa isip mo. Maging mapanuri ka at gamitin mo ang iyong talino sa pagpapasya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments