Pahiwatig na mabibigo sa mga plano at may karibal sa dyowa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 15, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jelanie ng Bicol.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko ‘yung bulkan sa probinsiya namin sa Bicol na nagbubuga ito ng apoy, tapos nabulabog ‘yung mga hayop sa paligid at nagtakbuhan kung saan-saan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Jelanie
Sa iyo, Jelanie,
Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng bulkan sa panaginip mo dahil ito ay nagbababala na hindi ka magtatagumpay sa binabalak mo at may hahadlang sa magandang plano mo sa iyong buhay.
Pati ang magandang balak mo para sa ikabubuti ng iyong pamilya ay mamasamain nila sa halip na matuwa sila. Dahil dito, makabubuting huwag mo na munang ituloy ang anumang binabalak mong gawin.
Tungkol naman sa mga hayop na nabulabog at nagtakbuhan, ito ay nangangahulugan na may kaibigan ka na naghahangad ng hindi maganda sa iyo dahil may pinaplano siya para ipahiya ka.
Kung in love ka sa kasalukuyan, may magtatangkang agawin sa iyo ang atensiyon ng karelasyon mo. Isang lihim na karibal sa puso ng iyong mahal. Talasan mo ang pakiramdam, maging mapagmasid ka sa kapaligiran.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments