Pahiwatig na lalago ang negosyo at mag-aasawa ulit
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 16, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Divina ng Kawit, Cavite.
Dear Maestra,
Gustong-gusto ko ang column n’yo dahil nasisiyahan akong basahin ito. ‘Yung ibang panaginip ko ay kamukha ng inyong inilalathala kaya sobrang natutuwa ako dahil nalalaman ko ang kahulugan ng mga ito, pero naisip ko na mas mainam pa rin siguro kung ako mismo ang magpaanalisa sa inyo. Biyuda ako at may limang anak, gayundin, maliit na karinderya ang aking pinagkakakitaan.
Napanaginipan ko na biglang suwerte namin dahil kaming mag-iina ay sa palasyo na nakatira. Kinausap ako ng hari sa palasyo na maging isa sa mga kusinera nila. Pumayag siyang isama ko ang aking limang anak at doon na tumira. Tuwang-tuwa ako sa magandang kapalarang dumating sa buhay ko at labis-labis ang pasasalamat ko sa hari ng palasyo. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Divina
Sa iyo, Divina,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay pag-unlad sa buhay at kasaganaan. Hindi ka na magtitinda sa karinderya, bagkus, magiging sikat na restoran ang karinderya mo. Gayundin, ito ay dadayuhin ng mga mahilig kumain ng masarap at kakaibang putahe. Ito rin ay nagpapahiwatig na may magkakagusto sa iyo at magtatapat ng pag-ibig. Handa siyang pakasalan ka at mauuwi sa habambuhay na pagsasama ang pag-iibigan n’yo. Liligaya kayo at pagpapalain.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments