Pahiwatig na ‘di mapagkakatiwalaan ang dyowa
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Enero 18, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Carlos ng Tarlac.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na bumili ako ng dalawang aso, tatlong pusa at apat na manok na panabong. Balak kong alagaan at ipagbili ang mga ito dahil ‘yun ang naisip kong negosyo.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Carlos
Sa iyo, Carlos,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na bumili ka ng dalawang aso ay depende sa kinikilos ng aso. Kung ito ay tumatahol, ibig sabihin, malalagpasan mo ang matinding pagsubok sa iyong buhay. Kung ito naman ay maamo at pumapasag-pasag o palaging gumagalaw ang buntot, nagpapahiwatig ito ng kaligayahan sa piling ng iyong mga kaibigan. Ang bilang na dalawa ay nangangahulugan ng pabago-bagong desisyon sa buhay. Kumbaga, hindi fixed ang iyong isip sa mga binabalak mo sa buhay.
Ang pusa naman ay nangangahulugan na hindi mapagkakatiwalaan ang karelasyon mo sa buhay at pinagtataksilan ka niya. Habang ang bilang na tatlo ay sakripisyo ang ipinahihiwatig, kung saan dadaan ka muna sa mga pagsubok bago magtagumpay.
Samantala, ang manok na panabong ay nangangahulugan ng pagkaantala ng iyong mga plano. Hindi mo puwedeng simulan agad ang mga binabalak mong gawin dahil may mga sagabal ka pang haharapin bago mo ito maisakatuparan.
Ang bilang na apat ay nangangahulugan na may nakabinbin na malaking grasya para sa iyo, pero hindi mo ito makakamit kung hindi ka maglilingkod sa simbahan o gagawa ng mga gawaing kalugod-lugod sa Diyos. Dahil dito, inoobserbahan muna ng Diyos kung karapat-dapat ka na bang pagkalooban ng napakalaking grasya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments