Pahiwatig na binabantayan ni Mama Mary
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 2, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Yolanda ng Bacoor, Cavite.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo. Isa akong relihiyosa at deboto ako ng Mahal na Birheng Maria. Sa kanya ako dumudulog kapag mayroon akong mabigat na problema. Hindi rin ako nakakalimot magdasal sa gabi bago ako matulog. Gayunman, nanaginip ako ng medyo nakakatakot.
Napanaginipan ko ‘yung lumang bahay namin sa probinsiya, may dumating na terrorista at pinagbabaril ang bahay namin. Buti na lang, walang tinamaan sa amin. Tapos may babaeng dumating na may kargang bata at tinuruan kaming tumakas. Sinunod naman namin ang utos niya at tumakas kami hanggang makarating kami sa disyerto. Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Yolanda
Sa iyo, Yolanda,
Ang ibig sabihin ng mga terorista sa panaginip mo at pinagbabaril kayo ay babala na may balita kang matatanggap galing sa malayo at hindi maganda ang balitang ito dahil gulo ang hatid sa buhay mo ng nasabing balita. Pero huwag kang mabahala dahil pakikinggan ng langit ang mga dasal mo at iligtas ka sa kapahamakan.
Ang babaeng dumating na may kargang bata ay si Mama Mary mismo at karga ang batang si Jesus. Palagi siyang nakaalalay sa iyo dahil naririnig niya ang iyong mga hinaing sa tuwing ika’y nagdarasal.
Ang disyerto naman ay nagpapahiwatig na may pupuntahan kang lugar pero hindi magiging maganda ang biyahe mo dahil maraming sagabal ang mararanasan mo. Hanggang dito na lang. Nawa’y nasiyahan ka sa pag-aanalisa ko sa panaginip mo. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Poong lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments