Pahiwatig na biglang yayaman
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 17, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Robert ng Batangas.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nasa kagubatan ako, tapos ang daming lumber sa paligid ko. Biglang nahulog ‘yung susi ko sa tumpok ng lumber, tapos hinanap ko nang hinanap at buti na lang, nakita ko ang susi. Tapos may leon na parating, akala ko ay mabangis ito, pero maamo naman pala, kaya hindi ako natakot.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Robert
Sa iyo, Robert,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa kagubatan ka at napapaligiran ng lumber, nahulog ang susi mo at hinanap mo ito ay nagpapahiwatig ng hindi inaasahang suwerte. Nangangahulugan ito na bigla kang yayaman.
Samantala, ang leon sa panaginip mo na hindi mabangis, bagkus ay maamo ito ay maganda rin ang ipinahihiwatig. Ito ay nangangahulugan na makakapag-asawa ka ng matalino, mabait at mapagmahal na babae.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments