top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagtatayo ng cold storage facility sa mga pantalan, gawin na

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 16, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 16, 2023


Upang mapigilan ang pagkasira ng mga huling isda at iba pang laman-dagat ng mga mangingisda at maiwasan na ang mga pag-import, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang konstruksyon ng mga cold storage facilities sa mas maraming pantalan.


Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), batay na rin sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa 20% hanggang 40% na nangyayari ang pagkasira ng mga isda dahil sa kakulangan ng tinatawag na post-harvest equipment gaya ng blast freezer, ice making machines, at cold storage warehouses.


Paliwanag ng Pangulo, kung malilimitahan natin ang fish spoilage sa 8%-10%, hindi na tayo aasa sa pag-import ng mga isda mula sa ibang bansa.


Ayon sa kanya, gumagawa sila ng mga plano at patuloy ito dahil nagpapatayo na sila ng mga cold storage facilities sa iba’t ibang lugar. May expansion na rin sa ibang lugar gaya ng General Santos City, Cagayan De Oro, kung saan may ganitong pasilidad, habang maglalagay pa sa ibang lugar.


Sa kabuuan, mag-i-install sila sa 11 lugar ng mga cold storage facility.


Sa mas maliliit na bagsakan, anang Chief Executive, magbibigay sila ng ice-making machine para puwedeng ilagay agad ang mga huling isda sa yelo at tumagal na sariwa ang mga ito.


Kailangan ding aniya, isaayos ang mga fishponds para mapalakas ang produksyon nito habang dapat na magkaroon ng pautang sa mga mangingisda na kanilang gagamitin o puhunan para mapaganda ang kanilang mga fishpond.


Layon naman ng BFAR na mapataas ang ating fish production ng 10% annually sa loob ng 6 taon para makatulong ito na makamit natin ang seguridad sa pagkain sa bansa.


Matatandaan na noong nakaraang Nobyembre, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang P11.2 billion project na sinuportahan ng World Bank para sa fisheries sector ng bansa upang matugunan ang suliranin sa bumababang huli ng mga mangingisda at iba pang isyu.


Malaking tulong ang gagawing ito ng gobyerno sa ating mga mangingisda. Hindi na sila mangangamba na ang kanilang mga huling isda at mga laman-dagat, marami man o kaunti ay masisira o masasayang lamang at itatapon.


Hindi na rin natin kailangan pang mag-import ng iba’t ibang uri ng mga isda sa ibang bansa na nabibili natin sa mga palengke. Mismong ating mga isda na ang ating ihahain sa hapag-kainan.


Higit sa lahat may katiyakan na rin sa seguridad sa pagkain ang ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page