top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Pagtatapos ng libreng sakay, ikinalungkot ng mga estudyante

BULGAR
Nov 9, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 9, 2022


Malungkot at dismayado ang maraming estudyante sa pagtatapos ng libreng sakay para sa kanila sa LRT-2 noong Nobyembre 6.


Marami sa kanila ang pumila nang madaling-araw sa LRT station, ngunit ikinalungkot ang balita nang malaman na tapos na pala ang libreng sakay para sa mga estudyante.


Bagama’t inaasahan na ito ng ilan, marami naman ang nagulat dahil kababalik lamang anila sa eskwelahan, ngunit ganitong balita ang sumalubong sa kanila.


Giit ng mga estudyante, hindi lubusang napakinabangan ang programa dahil wala pa silang isang buwan na pumapasok sa paaralan.


Matatandaang ipinatupad ng pamahalaan ang libreng sakay noong Agosto 22 para makatulong sa mga estudyanteng apektado ng pandemya.


Samantala, ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), kahit tapos na ang Libreng Sakay program, maaari pa ring ma-avail ng mga estudyante ang 20% discount kung sasakay ng mga tren ng LRT-2. Kailangan lamang umanong ipakita ang school ID o proof of enrollment sa Passenger Assistance Office o ticket booth upang mabigyan ng discount.


Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga mag-aaral na palawigin pa ang programa, lalo na’t marami pa rin ang hirap makabangon mula sa pandemya.


Batid nating malaking tulong ang programa para sa mga estudyante, lalo na sa mga kailangang magtipid dahil ang natitipid sa pamasahe ay puwede pang ilaan sa ibang gastusin.


Isa pa, mas marami sanang makikinabang dahil balik-eskwela na ang maraming mag-aaral, ngunit nakalulungkot na kailangan nang itigil ang programa.


‘Yan ay dahil limitado ang pondo ng gobyerno at hindi pang-forever ang mga programa tulad nito.


Gayunman, kung hindi kakayanin na palawagin ang libreng sakay, nananawagan tayo sa pamahalaan na bumuo ng mga bagong programa na mas makakatulong sa mga mag-aaral.


Malaking bagay ito, lalo na’t maraming estudyante ang nangangailangan ng alalay ng gobyerno.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page