Pagtatampisaw sa Baseco Beach, bawal
ni Ryan Sison @Boses | Abril 2, 2024
Babala sa publiko hinggil sa paglalangoy o pagsu-swimming sa Baseco Beach sa Port Area, Manila dahil sa mataas na level ng coliform sa tubig.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigpit na binabantayan ngayon ng mga awtoridad ang lugar upang maiwasan ang pag-swimming ng mga residente lalo na sa mga araw na mainit ang panahon.
Pahayag ng ilang residente, pinipigilan sila ng mga awtoridad na magtampisaw sa tubig sa naturang beach.
Ilang kabataan rin ang hindi pinayagan ang paglalaro ng street basketball, na nag-udyok sa ilan sa kanila na mangisda na lamang.
Umapela naman ang mga awtoridad sa mga residente na sumunod sa mga direktiba upang matiyak ang kanilang kalusugan.
Sinabi ng DENR, na bawal ang paliligo sa Baseco Beach sa Manila dahil sa mataas pa ang coliform level dito at delikado ito sa ating kalusugan.
Una na ring ipinagbawal ng kagawaran ang pagsu-swimming sa Manila Bay, kung saan malapit sa Baseco Beach, dahil din sa high level ng fecal coliform bacteria.
Isa sa mga nagiging solusyon ng marami para maibsan ang matinding init ng panahon ay ang pagsu-swimming sa mga beach, dagat, ilog at iba pa.
Gayunman, may mga beach o dagat na ipinagbabawal na ating paliguan dahil sa posibleng bacteria na mayroon ang tubig nito na sadyang makakaapekto nang husto sa ating kalusugan.
Paalala sa mga kababayan na huwag tayong maging pasaway, sa halip ay sumunod na lang muna tayo sa mga ipinatutupad na kautusan upang hindi tayo malagay sa alanganin na maaaring pagsisihan din natin sa bandang huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments