Pagtatalaga ng DA secretary, napapanahon na
- BULGAR
- Oct 26, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 26, 2022
Magtalaga ng full-time Department of Agriculture (DA) secretary.
Ito ang apela ng isang grupo ng mga magsasaka kay President Ferdinand Marcos Jr. sa kabila ng pamumuno ng Pangulo sa naturang ahensya.
Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos, hindi kayang gampanan ng Pangulo ang trabahong ito dahil sa iba pang mga tungkulin bilang pinuno ng bansa.
Binigyang-diin pa nito na ang pag-ako ng Pangulo sa responsibilidad bilang pinuno ng DA ay lalong magpapahina sa food security at food self-sufficiency ng bansa.
Matatandaang unang nanawagan ang ilang senador sa Pangulo na magtalaga na ng bagong kalihim ng DA.
Samantala, umapela rin ang KMP sa Pangulo na pakinggan at sundin ang hiling ng mga magsasaka, mangingisda at food producers upang tunay na mapalakas ang agrikultura at malabanan ang kagutuman.
Hindi maitatangging malaki at tambak ang problema ng sektor ng agrikultura sa kasalukuyan.
Ilan sa mga ‘yan ay ang kaliwa’t kanang smuggling ng agricultural products, malalaking pinsala na dulot ng bagyo at pagbaha ng mga imported na produkto, partikular ang mga karne.
At sa totoo lang, ilang buwan nang hinaharap ito ng mga magsasaka at taumbayan.
Halos hindi na kumikita ang mga magsasaka at patuloy naman sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, na lalong nagpapahirap sa lahat.
Hindi natin minamaliit ang kakayahan ng Pangulo na mamuno, pero kung malala na ang problema at parami nang parami ang naaapektuhan, marahil ay panahon na para magkaroon ng kalihim na may kakayahang tumutok at mamuno sa ahensya.
Naniniwala tayong may solusyon sa mga problemang ito, kailangan lang nating makinig sa panig ng mga magsasaka dahil sila ang nakakakita at nakakaranas ng tunay na sitwasyon.
Gayundin, alam nila ang mga dapat gawin upang makabangon ang agrikultura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments