Pagtataguyod ng gender equality, dapat lang
ni Ryan Sison @Boses | April 12, 2023
Buong pagmamalaking ibinahagi ng Civil Service Commission (CSC) ang mahahalagang kaganapan o milestone ng komisyon sa pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian o gender equality sa serbisyo ng gobyerno at trabaho.
Sa naging pahayag ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles, nanguna rito ang Piknik sa Kalikasan na naganap noong Marso 31, 2023, kung saan ang kanilang sama-samang pangako ang siyang nagpalakas sa buong partisipasyon ng kababaihan sa lahat ng antas, lalo na sa paggawa ng desisyon at mga posisyon sa pamumuno.
Ayon kay Nograles, dapat nating ipagmalaki ang kakaibang aktibidad na ito dahil sumasalamin ito sa mga dekada ng pagsusumikap ng CSC sa pagtataguyod ng kasarian o gender advocacy at ang nangungunang gampanin ng Komisyon sa pagpo-promote ng pagkakapantay-pantay ng kasarian o gender equality sa buong burukrasya, maging ito man ay sa aspeto ng policymaking, technical assistance, o ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa at proyekto.
Batay sa opisyal, nagresulta rin ang pagsisikap ng gender and development (GAD) ng CSC sa pagtatatag ng mga programa at polisiya sa pagsuporta sa mga batas na nagbibigay proteksyon sa kababaihan sa lugar ng kanilang trabaho, kabilang na rito ang “Disciplinary Rules on Sexual Harassment Cases”.
Maganda ang naidulot ng programang ito ng kinauukulan sa ating mga kababayan, lalo na sa kababaihan.
Dahil dito, nabigyan sila ng “work-life balance” sa pamamagitan ng pagpapatibay ng flexible na oras ng kanilang pagtatrabaho at pagpapalawak ng mga pribilehiyo sa bakasyon para sa kapwa lalaki at babae.
May katiyakan na ring walang diskriminasyong mangyayari sa kanilang pinagtatrabahuhan habang mabibigyan pa ng pantay na pagkakataon para sa lahat.
Marami pa sanang mailatag ang ating gobyerno na polisiya at programa para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments