top of page
Search
  • BULGAR

Pagtangging may COVID-19 surge sa NCR, ‘di nakakatulong

ni Ryan Sison - @Boses | July 29, 2021



Sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, naninindigan ang Department of Health (DOH) na hindi pa dapat gamitin ang salitang “surge” para ilarawan ang kasalukuyang sitwasyon.


Gayunman, muling iginiit ng OCTA Research Group ang kanilang obserbasyon dahil sa ngayon ay umabot na sa 1.33 ang reproduction number sa National Capital Region (NCR), higit na malaki sa reproduction number na mas mababa sa 1, ilang linggo nang nakararaan.


Base sa datos, umakyat na sa 47% ang mga bagong COVID-19 cases sa nakalipas na linggo kung saan higit 900 bagong kaso kada araw ang naitala sa Kamaynilaan kumpara sa sinundan na linggo.


Dahil dito, ayon sa OCTA, mahalagang ngayon pa lang ay kumilos na ang mga lokal na pamahalaan, may kumpirmadong kaso man ng Delta variant o wala at rekomendasyon ng grupo, magpatupad ng isang circuit breaking lockdown habang maaga pa.


Gayunman, kailangan pa ring pag-usapan ng medial experts at IATF kung magiging epektibo ang inirerekomendang circuit breaker lockdown dahil kailangan munang mapatunayan na may community transmission ng Delta variant bago ipatupad.


Samantala, pakiusap naman sa mga ahensiya ng gobyerno, ‘wag na tayong in denial sa sitwasyon dahil hindi naman ito nakatutulong. Sa halip na makipagtalo, galaw-galaw na lang upang maagapan ang sitwasyon.


Bagama’t dapat lang kumilos ang mga kinauukulan hangga’t maaga pa dahil mas mahirap nang solusyunan ang problema kapag lumala pa ang sitwasyon.


Isa pa, lalong paigtingin ang case finding, testing at contact tracing para mas epektibong malabanan ang pagkalat ng virus.


Wala pa mang pinal na desisyon, marami na tayong kababayang nanganamba na oras na magpatupad ng lockdown, paano ang kabuhayan? Saan kukuha ng makakain? Sagot ba ng gobyerno ang kanilang pangangailangan?


Kaya isa pang panawagan sa pamahalaan, isip-isip nang mabuti kung kakayanin ba talagang mag-lockdown ulit.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page