Pagtalima sa boluntaryong paggamit ng face mask, ‘wag sanang magdulot ng problema
- BULGAR
- Nov 4, 2022
- 1 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 4, 2022
Magpapatupad din ng boluntaryong paggamit ng face mask laban sa COVID-19 sa mga silid-aralan ang Department of Education (DepEd).
Ito ang pahayag ng DepEd matapos ilabas ng Malacañang noong nakaraang linggo ang kautusan na opsyunal na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor spaces.
Unang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor areas sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.
Samantala, noong Miyerkules, Nobyembre 2, nagsimula nang ipatupad sa mga pampublikong paaralan ang limang araw na face-to-face classes, alinsunod sa kautusan ng DepEd, maliban sa mga paaralang sinalanta ng Bagyong Paeng, gayundin ang mga eskwelahan na ginagamit pa bilang evacuation centers.
Una namang pinahintulutan ng DepEd na magdaos ng blended learning, full face-to-face classes o full online learning ang mga pribadong paaralan.
Habang patuloy sa pagluluwag ng mga panuntunan, patuloy tayong umaasa na hindi ito magdudulot ng problema sa mga susunod na buwan, lalo pa’t mas maluwag na ang paggalaw ng mga tao.
Pakiusap sa mga paaralan at lokal na pamahalaan, tiyaking nababantayan pa rin ang kalusugan ng mga guro at mag-aaral. Gayundin, sana’y may mga nakalatag na hakbang upang matugunan ang posibleng hawahan.
Kahit opsyunal ang pagsusuot ng face mask, patuloy nating ipaalala at ipaunawa ang kahalagahan ng paggamit nito laban sa sakit.
Higit sa lahat, umaasa tayong mananaig ang disiplina para sa ikabubuti ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments