Pagtaas ng presyo ng mga bilihin, dapat prayoridad ng gobyerno
- BULGAR
- Jun 16, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 16, 2022
Pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nangungunang “urgent national concern”.
Ito ang lumabas sa survey ng OCTA Research Group kung saan 52% ng mga respondent ang nagsabing dapat solusyunan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pangalawang urgent national concern ang pagpapataas ng sahod, na sinagot ng 43%. Sinundan naman ito ng pagkakaroon ng abot-kayang pagkain tulad ng bigas, gulay at karne na may 41%.
Ayon kay George Siy, head ng Integrated Development Studies Institute, bagama’t hindi direkta ang epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, malaki ang epekto nito pagdating sa inflation o bilis ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin.
Matatandaang, nagsimula sa giyera ang chain reaction sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, fertilizer at mga produktong agrikultura na ginagamitan nito.
Maraming sasalubong na problema sa papasok na administrasyon, at kabilang na ang inflation, na matagal nang idinaraing ng mamamayan.
Mahirap man o mayaman, apektado ng mataas na presyo ng bilihin. At kung ramdam ng mayayaman ang bigat ng problemang ito, paano naman ang mga nasa laylayan?
Pahirap nang pahirap ang pagba-budget at kahit ano’ng diskarte, hindi na talaga kinakaya.
Kaya naman, nananawagan tayo sa papasok na administrasyon na sana’y masolusyunan na ang problemang ito.
Marahil, kabilang nang hakbang dito ang pagbibigay-prayoridad sa pamamahagi ng subsidiya sa agrikultura. Malaking tulong ito sa mga lokal na magsasaka upang mapalakas ang produksyon ng agriculture sector.
Nauunawaan nating malaking hamon ito at marahil, mahaba-habang panahon bago masolusyunan. Ngunit pakiusap sa mga kinauukulan, galaw-galaw dahil hirap na talaga ang taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments